www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

FULL FORCE
Nagpakita ng puwersa ang mga senador sa ‘oral argument’ kahapon sa Korte Suprema hinggil sa iginigiit na ‘executive privilege’ ni CHED Chairman Romulo Neri sa nauna nitong pagdalo sa NBN-ZTE Senate probe. (Carlito Arenas)

NERI, WALA NANG KAWALA!
Ni GRACE VELASCO

 

Papayagan na ng Korte Suprema na mu-ling masalang sa Senate probe si Commission on Higher Education (CHED) Chairman Romulo Neri hinggil sa nalalaman nito sa kontrobersyal na Natio­nal Broadband Network (NBN)-ZTE deal.


Ngunit may kondisyon ang kataas-taasang hukuman at ito’y ang patuloy na pagpapahintulot na i-invoke pa rin ni Neri ang ‘exe­cutive privilege’ sa mga katanungang tatanggihan nitong sagutin sa muling pagharap sa joint hearing ng Senate Blue Ribbon committee at committee on trade and commerce.


“He may invoke once more the executive privi­lege with respect to certain questions...then a supplemental petition will be filed to be resolved by the Court,” ani Supreme Court (SC) Chief Justice Reynato Puno sa inilatag nitong panukala kahapon bilang solusyon sa gitgitan sa pagitan ng Senado at ni Neri.


Ipinaliwanag naman ni Associate Justice Antonio Carpio na sa kasalukuyan ay mayroong tatlong katanungan na ipinukol ng Senado kay Neri sa September 26, 2007 hearing nito kung saan in-invoke nito ang ‘executive privi­lege’. Ngunit kung sakaling matuloy ang muling pagsalang ng opisyal sa Se­nate hearing ay makakabuti umanong ipunin ang lahat ng tanong na sasalagin ni Neri gamit ang ‘executive privilege’ at saka nila ito diringgin muli para desisyunan.


“We will appreciate more the issues raised if more questions will be asked and executive pri­vilege will be used against these questions,” anang mahistrado.


Nakabitin


Agad naman itong si­nang-ayunan ng panig ni Neri sa pamamagitan ng pangunahin nitong abogadong si Atty. Antonio Bautista subalit naiwang na­kabitin kahapon ang panukalang inilatag ng SC matapos na mabigong mag-commit ng kanilang kasagutan ang mga nagsidalong senador.


Ikinatwiran ni Sen. Alan Peter Cayetano, chairman ng Blue Ribbon committee, na mayroon silang kapangyarihan na idetermina kung tama ang pagka­kagamit ng ‘executive privilege’ at kung naniniwala silang walang matibay na basehan ang invocation nito ay maari nilang puwersahin na sumagot ang isang executive official sa pamamagitan ng contempt powers.


“We cannot accede to something that will lessen the powers of the Senate or change its rules,” anang senador.


Habang isinusulat ang balitang ito ay sinusubu­kan pa ring kunin ni Ca­yetano ang opinyon ng iba pang senador ukol sa pa­nukala bago sila makapagbigay ng sagot sa Mataas na Hukuman. Kailangan umanong makuha ang posisyon ng mayoryang senador sa usaping ito.


Kontrobersyal na mga tanong


Narito naman ang ilang katanungan sa September 26 hearing kung saan isi­nangkalang ni Neri ang ‘exe­cutive privilege’


Sen. Kiko Pangilinan: Meron pa bang ibang pag-uusap kayo ni GMA tungkol sa kontrata? Nag-follow up ba si GMA sa’yo? Totoo ba na sinabi n’ya na ituloy mo pa rin ang kontrata?


Sen. Loren Legarda: If any higher government official dictated that the ZTE project be given priority? If you discouraged the Presi­dent against pursuing the ZTE deal?


Sen. Pia Cayetano: That’s a nice project but why are they doing that?


Gitgitang Neri-Senado


Ang ‘oral argument’ kahapon ay isinulong upang resolbahin ang gitgitan sa pagitan ni Neri at ng Senado dahil sa patuloy na pagtanggi ng huli na mu­ling dumalo sa broadband probe ng una gamit ang Exe­cutive Order 464 at ang rasong wala na siyang puwedeng sabihin pa sa Senado dahil sakop na ng ‘executive privilege’ ang iba pa niyang nalalaman tungkol sa NBN-ZTE deal.


Nag-isyu ng arrest warrant ang Senado laban kay Neri ngunit agad namang nagpasaklolo ang opisyal sa SC at dito ay nag-isyu ng ‘status quo’ order ang kataas-taasang hukuman.


Nagsidalo sa panig ng Senado sina Senate Presi­dent Manny Villar, Senate majority leader Francis ‘Kiko’ Pangilinan at Sens. Cayetano, Mar Ro­xas, Rodolfo Biazon, Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, Loren Legarda at Pia Cayetano.


‘No show’ naman si Neri at sa halip ay ang abogado lang nitong si Bautista ang kumatawan sa kanya.


Ilang mahistrado ang naghanap kay Neri ngunit ikinatwiran ng abogado nito na pinayuhan umano niya itong huwag nang dumalo dahil hindi naman kailangan.


Bunga nito, si Bautista ang ginisa nang husto ni Associate Justice Carpio.


Unang ipinukol ng mahistrado ay kung bakit may pagtatangkang huwag ituloy ang kontrata kung ta­lagang walang anomal­yang bumabalot dito.


Piniga rin ni Carpio si Bautista kung ano ang basehan ng invocation ng ‘executive privilege’ ni Neri sa mga katanungan ng mga senador.


“You cannot make ge­neral statements about exe­cutive privilege. It has to be specific enough for us to believe that indeed diplomatic relations and military secrets will be impaired. If you just say “may”, then we will not take it,” paha­yag ni Carpio nang sagutin siya ni Bautista na “maaa­ring” makaapekto sa diplomatic relations ng Pilipinas at China ang mabubunyag sa testimonya ni Neri.


Sa panig naman ni Associate Justice Adolf Azcuna, sinabi nitong sa panahon ng kaduda-duda o malabong sitwasyon ay mas dapat umanong papa­naigin ang ‘transparency’ kaysa ‘executive privi­lege’.


“The rule is transpa­rency, the exemption is exe­cutive privilege. In case of doubt, we should rule in favor of transparency,” anang mahistrado. (With Boyet Jadulco)

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section