|
Unti-unti nang nababasag ang hanay ng mga miyembro
ng Armed Forces of the Philippines (AFP), matapos masaksihan ang
daan-libong mamamayan na humihiling ng pagbitaw ni Pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo sa Malacañang.
Sa loob ng kampo, may mga sundalo na ang umano’y nagpapahayag
ng simpatiya sa mahigit na 80,000 raliyista na sumugod sa Makati
City noong nakaraang Biyernes.
Ayon sa source na tumangging magpabanggit ng pangalan, naging usapan
sa loob ng kampo-militar ang pagdagsa ng maraming raliyista sa Makati
City, samantala inaantabayan din ng mga ito ang mga susunod pang
rally na idinadaan sa tinatawag na “mass for truth.”
Hindi umano naalis sa hanay ng mga sundalo na mag-obserba, samantala
ang iba ay nagpapahayag na ng simpatiya sa mga raliyista.
Magugunita na sunud-sunod na rally ang isinasagawa ngayon ng iba’t
ibang sektor ng bansa mula sa simbahan, mga estudyante, militanteng
grupo, mga negosyante, non-government at civic organizations,
kung saan iginigiit ng mga ito ang pagre-resign ni Pangulong Arroyo
matapos sumingaw ang serye ng korapsyon sa kanyang gobyerno, pinakakontrobersyal
dito ang broadband network deal ng pamahalaan at ng ZTE ng China.
“Marami ang nag-oobserba, may mga nakaantabay. Kaya sa kampo,
kapwa sundalo na rin ang nagbabantayan,” dagdag pa ng source.
Binigyang diin ng source na dahil matindi ang korapsyon sa ilalim
ng administrasyong Arroyo, hindi maiaalis na may mga sundalong nagagalit
sa Pangulo at kanyang mga tagasunod.
Isa umanong dahilan ay ang hindi maibigay na karagdagang benepisyo
sa mga sundalo, tulad ng pabahay, samantala milyun-milyong dolyar
ang napapaulat na kurakutang sa administrasyong Arroyo.
Kaugnay nito, nagbabala naman si Senator Gregorio ‘Gringo’
Honasan na kapag nahati ang militar sa kasalukuyang panahon na nananaig
ang krisis sa pulitika, malalagay sa panganib ang pamahalaang Arroyo.
“Hindi baleng magkahati-hati ang iba’t ibang sektor
ng lipunan huwag lang mahati ang military,” ani Honasan, na
nagpahiwatig ng panganib na idudulot sa Arroyo government,
oras na mahati ang militar.
Dahil na rin dito, hindi sang-ayon ang senador na hikayatin ng alinmang
grupo ang militar para lumahok sa kanilang mga kilos-protesta kontra
pamahalaan.
Iginit ng senador, tungkulin umano ng militar at kapulisan ang protektahan
at ipagtanggol ang mamamayan kung kaya’t napakahalaga na mananatiling
neutral at wala itong kinikilingang panig.
Kasabay nito, inamin ni Honasan, na hindi pa siya handa upang ihayag
ang kanyang posisyon ukol sa mga isyung kinakaharap ng bansa at
patuloy pa umano niya itong pinagmumuni-munihan.
Idinagdag ng Senador, nais niya umanong tiyakin na anuman ang kanyang
magiging posisyon sa mga isyu ay handa niya paninindigan. (Dagdag
na ulat ni Eralyn Prado)
|