www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

CESSNA NA NAMAN!
Matapos maimbestigahan ng mga tauhan ng Air Transportation Office (ATO) at ng Philippine National Police-Scene of the Crime Operatives (PNP-SOCO) ang bumagsak na Cessna 2-seater plane sa Barangay Agnaya Plaridel Bulacan ay agad na kinuha ang mga sunog na bangkay nila Kauser Mojan, estudyante, Indian national at Mike Bernardo, instructor ng Flight Line Aviation School na sakay ng nasabing eroplano. (Jhay Jalbuna)

CBCP: MAS MALAKING RALLY PA VS GLORIA!
(Juliet de Loza/Noel Abuel/Jethro Sinocruz/Boyet Jadulco/Grace Velasco/Tina Mendoza/Nilo Marasigan)

 

Tiniyak kahapon ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) na masusundan pa ng mas malaki ang naganap na inter-faith rally kamakalawa sa Makati City.

Sa panayam kay Caloocan Bishop Deogracias Yñiguez, sinabi nito na mas malalaki pa ang susunod na inter-faith rally, subalit wala pa itong ibinigay na takdang panahon para rito.

Ayon kay Yñiguez, masayang-masaya siya sa naging resulta ng inter-faith rally dahil nagkaroon ng pagkakataon na magkasama-sama para magdasal ang mga Filipino.

Sinabi ni Yñiguez na magpupulong na muli ang mga organizer ng naturang inter-faith rally para sa mas malaki pang aktibidad na ang layunin ay malaman ang katotohanan.

Samantala, tiniyak din ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na may mga susunod pang malalaking pagkilos na posibleng lumaki hanggang sa 3 milyon dahil inspirado at determinado ang mga mamamayan na patalsikin si Pangulong Arroyo sa poder.

Sinabi ni Gerry Corpuz, spokesman ng Pamalakaya na ang 80,000 bilang ng raliyista ay isang magandang panimula sa isang inter-faith rally.

Aniya, nanginig na umano sa takot si Pangu­long Gloria Macapagal-Arroyo sa naganap na inter-faith rally kamaka­lawa kaya nagtago ng may tatlong oras sa Camp Crame kasama ang ilang mi­yembro ng gabinete.

Women power vs GMA

Makaraan ang malakihang inter-faith rally na isinagawa sa Ayala, Makati, isa naman kilos protesta ang nakatakdang ikasa ng grupo ng mga kakabaihan para tuligsain at sipain sa puwesto si Pangulong Arroyo.

Banat ng grupong Gabriela, yayanigin nila ng kilos protesta ang admi­nistrasyong Arroyo sa darating na Marso 8 ‘Araw ng Kababaihan’ para ipakita ang kanilang pagtututol sa kanyang administrasyon.

“Women all over the country and from all walks of life have had it with the she-devil president in Malacañang. Just as the nation is being rocked with Arroyo’s wanton plunder of the country’s coffers, women will rock Arroyo’s presidency until she is ousted,” pahayag ni Emmi de Jesus, sec-gen ng Gabriela.

Nag-iba ng tono

Samatala, hindi na natiis ni Bacolod Bishop Vicente Navarra ang kanyang tunay na nararamdaman kaya sumakay na ito sa mga nanawagan para sa pagbibitiw ni Pangulong Arroyo sa poder dahil nawalan na umano ito ng moral ascendancy.

Base sa report ng online news site ng Visayan Daily Star kahapon kasama ni Navarra ang mga pari ng Bacolod Diocese nang manawagan noong Biyernes ng gabi para sa pagbaba sa posisyon ni Pangulong Arroyo.

Kaugnay nito, naniniwala sina Sens. Francis ‘Chiz’ Escudero at Aquilino Pimentel Jr., na ang mala-higanteng rally sa Makati City noong Biyernes ng hapon na dinaluhan ng tinatayang 80,000 katao ay indikasyon na gising na ang taumbayan sa pagmamalabis at pangungurakot ni Pangulong Arroyo at ng alipores nito kung kaya’t nalalapit na ang katapusan ng pagrereyna nito sa Malacañang.

Bagama’t marami pa sa mga Pinoy ang hindi naharang sa mga checkpoint ng Philippine National Police (PNP), napuno pa rin ang panulukan ng Ayala at Paseo de Ro­xas at umapaw pa ito sa mga katabing kalsada.

“Binabati ko mga nag-organize ng rally dahil ma­payapa at maayos na nai­daos ito. Sanay magsilbing hudyat ito kay GMA na ‘di na puwede ang dating gawi niya dahil mula’t, gising at nagmamatyag na ang taumbayan,” ani Escudero.

“Maliwanag ang mensahe: Tapos na si Gloria kahit ayaw pa niya magbitiw. She’s history. She can’t govern anymore, she can only hang on to po­wer by the grace of some ge­nerals,” dagdag naman ni Pimentel.

Nakita rin umano noong Biyernes kung paano na ka-praning ang administrasyong Arroyo dahil ipinarada pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang mga tangke.

PNP kinastigo

Kinastigo rin ni Escudero ang Philippine National Police (PNP) dahil sa kanilang paghuhugas-kamay kaugnay ng ginawang pagharang sa mga raliyista na gustong sumama sa pagtitipon sa Makati.

Idinagdag naman ni Senate Majority Lea­der Francis ‘Kiko’ Pangi­linan na ang ginawang pagpapairal ng no-fly zone sa Makati upang hindi maipakita sa taumbayan ang tunay na laki ng rally ay isa na namang kasala­nan ng administrasyong sa taumbayan.

Ang insidente ay paiimbestigahan ni Parañaque City Rep. Roilo Golez sa Kamara ang Department of Transportation and Communication (DOTC).

Harassment vs govt

Samantala, kinokonsidera ng United Opposition (UNO) kasuhan ng harassment at acts of intimidation laban sa administrasyong Arroyo at sa hanay ng Phi­lippine National Police dahil sa ginawa nitong paghaharang sa may ilang rally participants sa Southern Luzon at iba pang lugar sa bansa upang hindi makadalo sa naganap na inter-faith rally kamakalawa sa Makati City.

Kahapon ay bumuo na ang UNO ng legal team na titingin sa panibagong pag­labag sa karapatan pantao ng administrasyong Arroyo, ang nasabing legal team ay pamumunan naman ni Atty. Adel Tamano na s’ya ring UNO spokesperson.

“We are seriously contemplating filing charges against government officials who were responsible for harassing and preventing people from exercising their Constitutional rights,” pahayag ni Makati City Mayor at UNO President Jejomar Binay.

“Message received”

Ito ang masasabi ng Ma­lacañang matapos ang ma­laking rally na matagumpay at mapayapang naisagawa kamakalawa bilang protesta sa pananatili sa puwesto ni Pangulong Arroyo sa kabila ng kabi-kabilang anomalya na ibinabato sa administrasyon nito.

Subalit para kay Executive Secretary Eduardo Ermita, hindi sapat ang libu-libong boses na sumisigaw ng pagkadismaya sa lide­rato ni Arroyo upang magpasya ang huli na bumitiw na sa puwesto.

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section