Tinatayang 80,000-katao ang nakilahok
sa ‘interfaith prayer rally’ kahapon sa panulukan ng
Ayala Ave. at Paseo de Roxas sa Makati City at para sa ilang mambabatas,
napakalaking patunay ito na nagagalit na ang taumbayan at isinusuka
na nito ang garapalang katiwalian sa gobyernong Arroyo.
“Dapat matakot na si GMA dahil baka maging daan ito sa panibagong
People Power,” babala ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy
Estrada kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon naman kay Sen. Mar Roxas, “Ang rally ngayon ay patikim
lang ng inis at galit ng taumbayan sa paggapos ng administrasyon
sa katotohanan, sa asta nilang sila lamang ang may monopolya sa
bayan.”
Hindi rin nagpakita ng pagkasorpresa si administration Sen. Richard
Gordon sa nasaksihang pagbuhos ng makapal na tao sa Makati rally
kahapon. “I’m expecting it dahil galit na talaga ang
mga tao,” ani Gordon.
Mula sa Cabanatuan City, muling iginiit ni Sen. Francis ‘Chiz’
Escudero ang pagbibitiw ng Pangulo dahil sa umaapaw na mga dahilan
para gawin ito.
Ayon sa senador, sa unang impeachment
complaint pa lamang laban kay Arroyo sa pagsabog ng ‘Hello
Garci’ scandal ay ito na ang kanyang panawagan at hindi umano
ito nagbabago lalo pa ngayong nadagdagan ito ng NBN-ZTE scandal.
Sa panig naman ni Manila Rep. Bienvenido Abante, lider ng Bible
Mode, pinagbibitiw nito ang lahat ng miyembro ng gabinete na nakakaladkad
sa NBN-ZTE deal. Kabilang dito sina CHED Chairman Romulo Neri, Trade
Sec. Peter Favila at Transportation and Communications Sec. Leandro
Mendoza.
Kahapon ay lumantad na rin ang may 200 scientists para makiisa sa
panawagang “Gloria resign”.
Nabatid na libong lagda na ang nakakalap ng inilunsad nilang “Scientists
for Truth, Scientists for Change” signature campaign.
Kamakalawa ay nagpahayag na ng pagsuporta sa “Gloria resign”
ang 47,000 kasapian ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Samantalang kamakailan ay naglabas na rin ng posisyon ang mga aktibo
at retiradong heneral ng militar at pulisya na sumusuporta sa paghahanap
ng katotohanan sa likod ng NBN-ZTE deal.
Tulad naman ng kanilang banta kamakalawa, daan-daang estudyante
mula sa University of the Philippines (UP), Polytechnic University
of the Philippines (PUP), De La Salle University (DLSU), Adamson
University, San Beda College, University of the East (UE), Pamantasan
ng Lungsod ng Maynila (PLM), City College of Manila (CCM) at iba
pa ang nag-walkout sa kani-kanilang klase upang lumahok sa Makati
rally kahapon.
Sa UP, hindi lamang mga estudyante ang sumugod sa Makati kundi maging
ang mga propesor at university officials.
Solido rin sa pagsuporta sa interfaith prayer rally kahapon ang
Catholic Education Association of the Philippines (CEAP). Nabatid
kay CEAP head Msgr. Gerry Santos, hindi lamang umano mga estudyante
ang kanilang hinimok na lumahok sa pagtitipon para sa katotohanan
at laban sa katiwalian kundi maging ang mga school authorities at
faculty members.
Bagama’t labis na tinututulan ni Manila Mayor Alfredo Lim
ang pagwo-walkout sa klase ng mga mag-aaral, partikular ng mga estudyante
ng PLM at CCM, hindi umano niya pipigilan ang mga karapatan ng mga
ito.
Isa si Lim sa mga prominenteng taong nakiisa sa Makati rally kahapon
na pinangunahan nina Makati City Mayor Jejomar Binay, dating Pangulong
Corazon Aquino, dating Pangulong Joseph Esatrada, dating Vice President
Teofisto Guingona, mga kinatawan ng iba’t ibang religious
groups at dinaluhan ng mga mananampalataya, manggagawa, negosyante,
propesyunal, kababaihan, magsasaka, urban poor, NGOs, civil society.
Ngunit habang kumakapal ang buhos ng tao sa rally kahapon ay pilit
namang pinakakalma ng mga galamay ng Malacañang ang kanilang
sarili sa paniwalang ‘malalagpasan’ ng Pangulo ang araw
na ito.
May insinuwasyon pa si Press Sec. Ignacio Bunye na ‘magastos’
ang ganitong mga rally at baka hindi umano ma-sustain ng mga organizers
sa mga susunod na araw.
Minaliit pa ng mga kaalyadong kongresista ng palasyo ang pagtitipon
kahapon dahil malayung-malayo umano ito sa kapal ng tao sa nakaraang
dalawang People Power.
|