|
Tutol din ang
pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa panukalang
paglalagay ng plate number ng motorsiklo sa helmet ng mga motorcycle
riders.
Ayon kay PNP
spokesman Chief Supt. Samuel Pagdilao, dapat munang idaan sa
malawakang konsultasyon sa anyo ng public hearing ang naturang
mungkahi ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Mahalaga umanong
makuha ang pulso ng mga apektadong sektor sa usaping ito bago
ipatupad para sa mas maayos na sistema.
Isa sa mga
unang-unang tumutol sa panukala ang ilang alkalde ng Metro Manila sa
pangunguna ni Makati City Mayor Jejomar Binay. Hanggang kahapon ay
kinukwestyon nito ang kapangyarihan ni MMDA Chairman Bayani Fernando
na magpatupad ng mga regulasyon nang walang kaukulang ordinansa mula
sa bawat munisipalidad at lungsod ng Metro Manila.
Sinabi pa kahapon ni
Binay na walang kapangyarihan si Fernando na magdikta at maglagay ng
kanyang sariling batas dahil administratibo lamang ang trabaho nito.
Samantala, bukas
naman ang Motorcycle Philippines Federation (MCPF) sa isasagawang
konsultasyon bago ipatupad ang panukalang "Dual Motorcycle and
Helmet License Plate Number" policy ng MMDA.
Ngunit ngayon pa
lamang ay ipinahiwatig na ng grupo na tutol sila rito at hindi sila
naniniwalang solusyon ito laban sa krimeng ginagawa gamit ang
ganitong uri ng behikulo. |