"GABAY NG DIYOS"

Sapagka’t ang buong kautusan ay natutupad sa isang salita, sa makatuwid ay dito: Iibigin mo ang inyong kapuwa na gaya ng inyong sarili.

GALATIANS 5:14

www.abante-tonite.com

SENADO INUUTO!

Nina ROSE MIRANDA at BOYET JADULCO

ANG MAGKARIBAL

Maginoong nagkamay kahapon sina Koko Pimentel ng GO at Migz Zubiri ng TU nang magkita sa Korte Suprema para sa kanilang debate sa isyu ng Maguindanao votes. (Carlito Arenas)

Hindi nagugustuhan ng ilang kritiko ng pamahalaang Arroyo ang nakikitang maagang 'paglalambingan' ng mga halal na senador ng 14th Congress at ang umano'y tila lalo pang pang-uuto ngayon ng palasyo sa Senado.

Sa kauna-unahang pagkakataon kahapon ay nakatanggap ng pasasalamat si Sen.-elect Alan Peter Cayetano mula sa palasyo makaraan ang mainit na pagpapalitan ng maaanghang na pananalita ni Cayetano at ng ilang miyembro ng First Family, partikular si First Gentleman Mike Arroyo, noong kongresista pa lamang ang huli.

Ang pasasalamat ay ibinunsod ng pahayag ni Cayetano na tutulong ito kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pagpapasa ng mahahalagang panukalang batas na ipaprayoridad ng Malacañang.

Nang hingan ng reaksyon, sinabi ni presidential adviser on political affairs Gabriel Claudio na buong puso silang nagpapasalamat kay Cayetano at umaasa silang magtutuluy-tuloy ang suporta nito sa ehekutibo.

"We thank Sen. Alan Cayetano for his willingness to support administrative legislative measures which he believes will be good for the country. His gesture gives us reason to be optimistic that members of the incoming Senate can transcend partisan boundaries in support of issues and legislation that will redound to the welfare of our people," ani Claudio.

Matatandaang hanggang sa kasagsagan ng kampanya ay patuloy ang batikos noon ni Cayetano sa palasyo na pinagdududahan nitong nasa likod ng pagpapatakbo sa katukayong senatorial candidate na si Jose Pepito "Juju/Peter" Cayetano ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) kaya't tila nasorpresa ang palasyo sa biglang paglambot ngayon ng nahalal na senador.

Samantala, maliban sa pasasalamat kay Cayetano, maaga ring nagpaabot ng mensahe at request ang Malacañang sa mauupong Senate President.

Sa text message ni Claudio, sinabi nito na kung sino man kina Senate President Manuel Villar at Senate minority leader Aquilino 'Nene' Pimentel Jr., kapwa taga-oposisyon, ang maluluklok bilang lider ng Senado ng 14th Congress ay umaasa sila na magiging mabuting halimbawa ang mga ito ng maayos na government service tungo sa pagpapalago ng ekonomiya, pagpapabuti ng kabuhayan ng bawat Filipino at pagsuporta sa mga panukalang ipaprayoridad ng pamahalaan.

Ngunit ang pinakamahalagang 'request' ng palasyo sa mauupong pangulo ng Senado ay ang pagpapalakas pa umano sa relasyon ng Senado at ng ehekutibo, lalo na sa hanay ng oposisyon.

Kasabay nito ay patuloy na dumidistansya ang palasyo sa malayang pagpili ng mga miyembro kapwa ng dalawang kapulungan ng Kongreso, Senado at Kamara, sa kanilang mga lider.

Ayon pa kay Executive Sec. Eduardo Ermita, nakasandal sa 'numbers game' ang Senate Presidency at House Speakership kaya't aabangan na lamang nila ang magiging resulta nito.

Kahapon ay sinabi ni Sen. Sergio Osmeña III na si Villar pa rin ang uupong pangulo ng Senado sa bubuksang 14th Congress matapos umano nitong masungkit ang suporta ng pinaghalong puwersa ng ilang miyembro ng oposisyon at administrasyon.

Kinumpirma rin ito kahapon ni Las Piñas City Rep. Cynthia Villar, maybahay ni Sen. Villar, sa pagsasabing nakakuha na ng 13 senador ang kanyang asawa upang mapanatili nito ang pagiging pangulo ng Senado.

"Sobra-sobra na," wika ng lady solon.
Dahil naman umano sa kumbinasyong suportang nakuha ni Villar ay mananatili pa ring minority bloc ang oposisyon sa kabila ng katotohanang mas marami na sila ngayon sa Senado at puwede sanang maging majority, ani Osmeña.

Sinisi naman ni Osmeña ang ilang '2010 presidential aspirants' na uupo sa bagong Senado dahil sila umano ang nagbuyo kay Pimentel para tumakbo at literal na bumasag sa solido sanang puwersa ng oposisyon sa naturang kapulungan.

<BACK