Sa pagtatangka ni Manny Pacquiao na gumuhit ng
kasaysayan bilang unang Filipin at Asyano na magwawagi ng apat na
world titles sa magkakahiwalay na dibisyon - - - walang nakikitang
problema si American trainer Freddie Roach sa timbang ng kanyang
alagang boksingero.
Ngayong araw (Manila time) ang official weigh-in para sa “Lethal
Combination” WBC lightweight encounter ni Pacquiao kay reigning
titlist David Diaz at bukas, araw ng Linggo ang pinakaaabangang
bakbakan ng dalawa sa Mandalay Bay Resort & Casino sa Las Vegas.
Ayon kay Roach, tumitimbang si Pacquiao ng 136-lbs, at isang libra
lamang ang sobra sa weight limit na 135-lbs, at naniniwala ang American
trainer na hindi mahihirapan ang Pambansang Kamao na kunin ang eksaktong
timbang sa araw mismo ng weigh-in.
“I don’t see any problem for him in making the 135-lbs,
unlike in the past where Manny struggled to make the 130-lbs limit,”
komento ni Roach.
Matapos mag-jogging ay maganang kumain pa umano ng almusal si Pacquiao
at kinahapunan ay nagtungo sa kalapit na IBA gym kung saan tinapos
ang pinakahuling training.
Habang si Diaz nama’y nagsanay sa gym ni dating no. 1 pound-for-pound
Floyd Mayweather Jr.
Nananatili ring kumpiyansa si Roach na mana-knockout ni Pacquiao
si Diaz.
Ayon pa sa batikang trainer, magagamit nang husto ni Pacquiao ang
kanan nito, bagamat sa mga nakalipas na laban ng boksingero, ang
kaliwang kamao ang ipinantatapos sa kalaban.
|