|
Eksaktong
isang linggo ngayon mula nang manalasa ang bagyong ‘Frank’
at magpalubog ng 7-palapag na barko at marami pang maliliit na bangkang
pangisda. Puwera pa rito ang napakaraming bayan at palayan na sinalanta
at pinalubog sa Kabisayaan.
Bagama’t nasesentro ang atensyon ng lahat sa mahigit 800 pasahero
at crew ng MV Princess of the Stars na nawawala pa hanggang ngayon,
daang katao rin ang nasawi sa hagupit ng bagyo sa iba pang bahagi
ng bansa.
Ito ang kinakaharap na trahedya ng Pilipinas, bukod pa sa lingguhan
pa ring pagsirit ng presyo ng langis at ang biglang paglobo ng halaga
ng bigas na parte pa rin ng pananalasa ni ‘Frank’.
Sa mga susunod na araw, malamang ay masorpresa rin tayo ng pagtaas
ng halaga ng iba pang produktong agrikultural bilang buntot na epekto
ng bagyo.
At ang pinakahuling hagupit ay ang pagkakabunyag na may karga palang
‘lethal chemical’ o matinding pesticide ang lumubog
na barko ng Sulpicio Lines. Ibig sabihin, nahaharap ngayon sa malaking
environmental at health problem ang karagatan ng Sibuyan Island.
Nasa’n ang ating Pangulo? Bakit ni hindi nito pinutol ang
kanyang US trip para makauwi agad at asikasuhin ang palyadong kondisyon
ng taumbayan?
Sabihin na nating importante ang unang bahagi ng kanyang US state
visit pero tapos na ‘yun. Nakaharap na niya’t nakausap
si US President George Bush na siyang pinakamahalagang parte ng
naturang pagbisita, ano pa ang tinatagal-tagal niya sa Amerika?
Ilang beses nang binatikos ang tila kawalang pakialam ni Pangulong
Arroyo sa dinaranas ng kanyang bayan pero talagang pinanindigan
nito na sundin ang kanyang orihinal na schedule. Naturingan pa namang
ina pero natitiis nito ang kanyang mga inakay.
Ang maganda siguro nito, imbes na kulitin natin ang Pangulo na umuwi
(na dapat ay kinukusa niya), hayaan na lamang natin siya kung saan
siya naroroon.
Tutal naman, marami sa mga kababayan natin ang humihiling na magbitiw
na siya, ito na siguro ang tamang panahon para pagbigyan niya ang
hiling na ito. Imbes na magmadaling umuwi, mabuti pa nga sigurong
‘wag na silang magsiuwing lahat.
|