Nagkasya na lamang si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa isang
phone conversation kay US presidential candidate Sen. Barack Obama
dahil inisnab ng huli ang dapat ay one-on-one meeting nila ng Philippine
leader dahil sa busy nitong iskedyul.
Ngunit ang duda nina Senate minority leader Aquilino Pimentel
Jr. at Sen. Panfilo Lacson, posible umanong sinadya talaga ni Obama
na isnabin ang Pangulo sa takot na mabiktima ng ‘kiss
of death’.
Ang ‘kiss of death’ ay tawag ng oposisyon sa endorsement
o basbas ni Arroyo sa sinumang kandidato dahil tiyak umano ang pagkatalo
nito.
“Alam ni Obama na maraming mga Pinoy supporter niya na ayaw
na didikit si Gloria sa kanya,” ani Pimentel.
Mula sa New York City, sinabi ni Press Sec. Jesus Dureza sa panayam
sa telepono na tinawagan ni Obama ang Pangulo dakong alas-tres ng
hapon (New York time) upang humingi ng paumanhin sa naunsyaming
paghaharap.
Sa saglit na phone conversation ay kinilala ni Obama ang Pilipinas
bilang solidong kaalyado ng Estados Unidos partikular sa paglaban
sa terorismo at pagpapatibay ng demokrasya.
Bago bumalik ng bansa ay makikipagkita si Arroyo sa karibal ni Obama
na si US Sen. John McCain ng Republican party sa Washington
DC.
|