www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

DASAL AT BULAKLAK!
Tumatangis na inalayan ng panalangin at bulaklak ng naghihinagpis na kaanak ng mga biktima ang bahagi kung saan lumubog ang MV Princess of the Stars kasunod ng isang misa kamakalawa. (AP)

MATINDING LASON!
Divers sa MV Princess pinaahon, fish ban ipinatupad
Nina NILO MARASIGAN, JB SA-LARZON, JULIET DE LOZA, JUN TADIOS, GRACE VELASCO, REY MARFIL, ROSE MIRANDA, BOYET JADULCO at BERNARD TAGUINOD

 

May kargang nakamamatay na lason ang lumubog na MV Princess of the Stars dahilan upang agarang ipahinto ang search and retrieval operations at paahunin ang lahat ng divers na nakikibahagi sa operasyon.


Gayundin, mahigpit na ipinagbawal ng Department of Health (DOH) ang pagkain ng anumang uri ng produktong dagat mula sa karagatan ng Sibuyan Island sa Romblon.


Kahapon ay nagpatawag ng isang emergency meeting ang Task Force MV Princess na pinamumunuan ni Vice President Noli De Castro sa tanggapan ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) sa Camp Aguinaldo.


Bunsod ito ng natuklasang may kargang ‘to­xic cargo’ ang lumubog na pampasaherong barko ng Sulpicio Lines. Lumilitaw na mayroong mas mala­king banta ngayon sa buhay at kalusugan ng mga rescuers-divers, mga resi­dente malapit sa isla at maging sa kalikasan.


Bunga na rin sa ibina­bang seryosong health advisory ng NDCC sa pamamagitan ni DOH Sec. Francisco Duque III, agad nang pinahinto ang search and rescue/retrieval (SAR) operations sa nakabaligtad pa ring barko.
“This is health advisory prepared by NDCC through the DOH for rescuers and community residents in San Fernando, Romblon. NDCC confirm today the presence of 10 metric tons of Endosulfan in the sunken MV Princess of the Stars. Endosulfan is a restricted pesticide for use in pineapple plantations,” ani Duque.


Sa kasalukuyan, baga­man wala pa aniyang nakikitang senyales na t­u­­ma­­­­­gas na ang mapaminsa­lang kemikal gaya ng kontaminasyon na posibleng magresulta ng fishkill o pagkakasakit ng mga di­vers ay minabuting ipatigil na muna ang retrie­val operation.


Agad naman itong ipi­natupad ng Philippine Coast Guard (PCG), ayon sa tagapagsalita nitong si Lt. Cmdr. Armand Balilo, na nagsabing pinaahon na at nakatakdang pabalikin sa kani-kanilang unit ang mga divers ng PCG, Philip­pine Navy at US Navy at maging ang mga civilian volunteers.


Epekto ng Endosulfan


Nabatid pa kay Duque na ang mga senyales na na-expose na ang isang tao sa Endosulfan (nasa pahina 3 ang depinisyon) ay ang pagdanas ng pana­nakit ng ulo, pagkahilo, pagsusuka, tremors, convulsions, cardiovascular symp­toms na posibleng magresulta sa pagkamatay.


Bilang bahagi naman ng pag-iingat, sinabi ni Transportation Undersec. Maria Elena Bautista, “Kukunan sila ng blood samples para makasiguro tayo,” na ang tinutukoy ay lahat ng divers na nakibahagi sa SAR operations.
Ipapadala umano ang blood samples ng mga divers sa Singapore upang ipasuri.


Fish ban


Nabatid na hindi umano basta-basta natutunaw o nalulusaw ang kemikal ngunit humahalo ito sa hangin, tubig at lupa habang ang mga hayop gaya ng isda na namumuhay sa Endosulfan-contaminated waters/environment ay magiging carrier ng Endosulfan.


Dahil dito, idineklara nang hindi ligtas ani Duque ang anumang uri ng yamang-dagat na makukuha sa lugar na pinaglubugan ng barko para kainin ng tao habang isinasagawa ang pagsusuri ng posibleng kontaminasyon nito doon.


Kaugnay nito, hiniling ni Sen. Juan Miguel Zubiri sa Bureau of Fishe­ries and Aquatic Resour­ces (BFAR) na agad ipagba­wal ang paghuli, pagbebenta at pagkain ng isda at lahat ng uri ng produktong dagat sa bahaging ito ng Romblon.


Paano nadiskubre?


Dalawang sulat mula sa Del Monte, isang mala­king manufacturer ng pine­apple products, ang nagbigay-daan sa pagkakabunyag ng ‘toxic cargo’.


Ang Del Monte ang nagmamay-ari ng kemikal. Ang destinasyon ng kargameto ay Cebu at mula sa Cebu ay dadalhin sa Cagayan de Oro City.


Ayon kay Bautista, sumulat ang Fertili­zer and Pesticides Authority (FPA) kay DOTC Sec. Leandro Mendoza noong hapon ng Hunyo 24 hinggil sa impormasyong ibi­nigay ng Del Monte na mayroon silang kargamentong 10 metriko toneladang Endosulfan sa tumaob na barko.


“Sa natanggap ng FPA na letter mula sa Del Monte, kalakip dito ang dalawang letter. Ang isa ay letter na nag-o-authorize sa Del Monte para sa pagkarga ng container, at ang pangalawa ay letter ng Del Monte sa Sulpicio Shipping Lines infor­ming the company na kemi­kal ang laman ng container and that it should be loaded with extra care and safety,” ani Bautista.


Gaano katinding lason?


Ayon kay Dr. Lynn Panganiban ng National Poison Management and Control Center ng University of the Philippines (NPMCC-UP), “highly catastrophic” ang idudulot ng 10MT ng Endosulfan kung ito’y tuluyang mag-leak mula sa kinalalagyan nitong container.


“Lethal ang kemikal na ito dahil 94% pure ito. In powder form ang kemikal at konti lang ang mabasa at kumalat ay napakadelikado,” ani Panganiban.


Aniya, sa eksperimento 50 sa 80 miligram ng Endosulfan ay papatay sa 50% ng populasyon ng isang rat regime.


Sa tao, ani Panganiban, “Endosulfan can kill humans, with a ratio of 0.8 to 8 milligrams per one kilo. Someone weighing 50 kilos for example, could be poised by 400 milligrams (50x8).” Wala pa umanong antidote na nadi­diskubre para panlaban sa kontaminasyon sa tao ng Endosulfan.


Dahil sa bagsik ng kemikal na ito ay ipinagba­wal na ang paggamit nito sa European countries ngunit patuloy namang tinatangkilik sa Amerika at India.

Sa Pilipinas, may res­triksyon ang pag-aangkat ng kemikal at tanging ang DOLE/Del Monte ang awtorisadong importer nito.


Byahe sa MV Princess walang permiso


Tiniyak naman kahapon ng PCG na hindi kumuha ng permiso ang Sulpicio Lines sa pagkakarga at pagbiyahe ng tone-toneladang pestisidyong nakamamatay sa kanilang pampasaherong barko at isa umano itong paglabag sa pinaiiral nilang regulasyon.


Dahil dito ay nais ni Sen. Mar Roxas na magpaliwanag sa Senado ang Sulpicio Lines kung bakit ikinarga at inilayag sa kanilang pampasaherong barko ang ‘hazardous at restricted pesticide’ na ito.


Naniniwala naman si Iloilo Rep. Jeanette Garin na posibleng matagal nang praktis ng mga pampasaherong barko ang pagkakarga ng ganitong uri ng mga ‘chemical cargo’.


Kahit umano bawal ay kinakagat ito ng mga shipping lines dahil sa mala­king bayad.


 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section