Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Philippine
Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang bigtime drug lord na No.1
most wanted sa Region 9 na sangkot sa pagtutulak ng ipinagbabawal
na droga sa isinagawang operasyon sa tahahan nito kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni PDEA Director Gen. Dionisio Santiago ang nadakip na
suspek na si Sadjari Amiril, alyas Salip Amiril, nasa hustong gulang,
tubong Mindanao at pansamantalang naninirahan sa #105 A. Lake St.,
Bgy. Balon Bato, San Juan, Metro Manila.
Sinasabing si Amiril ay isa sa lider ng notoryosong Sakidal group
na nakabase sa Jolo, Sulu na sangkot umano sa pagtutulak at pagbebenta
ng ilegal na droga sa bansa at sa Malaysia.
Sa ulat na tinanggap ni Santiago, dakong alas-5:30 ng madaling-araw
nang maaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas
ni Executive Judge Thelma Ponferra ng Quezon City Regional Trial
Court.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang humigit-kumulang na isang kilo
ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang may street value na P21M,
mga drug paraphernalia, baril, at isang kulay pulang Mica Mitsubishi
Pajero na may plakang UMT-139.
|