|
Dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay isang court employee ang sinibak sa trabaho ng Korte Suprema.
Sa 13-pahinang per curiam decision ay iniutos ng SC na sibakin sa serbisyo ang empleyadong si Rene De Guzman, clerk sa Guimba, Nueva Ecija Branch 31 Regional Trial Court (RTC).
Bukod sa pagkakatanggal sa trabaho ay hindi na rin maaaring makapasok sa anumang trabaho sa pampublikong tanggapan si De Guzman at wala na ring makukuha na benepisyo maliban lamang sa kanyang mga leave credits.
Si De Guzman ay una ng inireklamo ng kasong administratibo ng abogadong si Hugo Sansano Jr. Sa kapabayaan ng naturang Trial Court sa pag-transmit ng court records subalit naabswelto ito, ngunit hindi naman nakalusot sa alegasyong gumagamit ng illegal drugs nang magpositibo ito sa drug test.
Nabatid na dalawang mahistrado ang tumutol sa desisyong sibakin sa trabaho si De Guzman dahil sa salungat umano ito sa Public policy na, ikulong ang mga drug dealers at pushers, rehabilitasyon naman sa mga biktima ng droga, ngunit mayorya ng mga mahistrado ang pumabor na sibakin ang empleyado hindi lamang sa isyu ng paggamit nito ng ilegal na droga, kundi dahil sa hindi pagsunod sa direktiba ng korte.
|