|
Dear Kuya Rom,
Bata pa ako’y dumaan na ako sa maraming pagsubok. Ginalaw ako ng aking sariling ama. Maraming nanliligaw sa akin, pero binabasted ko sila. Galit ako sa mga lalaki. Para na rin akong isang lalaki kung kumilos. Siga.
Hanggang isang araw ay nakilala ko ang isang lalaking napakabait. Sa unang pagkakataon ay nagkaroon ako ng tiwala sa lalaki.
Matagal kaming naging magkaibigan. Niligawan niya ako. Sinagot ko siya pagkatapos ng isang taon.
Pero hanggang sa ngayon, iisa pa rin ang problema niya sa akin. Hindi raw ako marunong tumawa o ngumiti man lamang. Ang ganda-ganda ko raw, pero lagi naman daw akong nakasimangot.
Kuya, tulungan mo naman ako. Paano ko magagawang ngumiti sa kabila nang nangyari sa akin at sa mga pagsubok na patuloy kong hinaharap? Maraming salamat po! -- Miss X
Dear Miss X,
Kapag ang puso mo’y punung-puno ng galit, ‘di ka talaga mangingiti kahit isang saglit. Hindi kita masisisi. Ang masamang nakaraan ay nakaukit sa iyong dibdib. Ang sugat na dala nito sa iyong isip at kaluluwa ay hindi agad naghihilom.
Gayunman, kung nais mong magkaroon ng ngiti, kailangan mong malaman at sundin ang batas ng pag-ibig at pagpapatawad. Magtiwala kang naglagay ang Diyos ng mga alituntunin hindi upang tayo ay pahirapan kundi maging maayos ang ating buhay pagkat minamahal niya tayo. Kung susundin natin ng buong puso, nagtitiwalang para sa ating kabutihan ang mga ito, magiging maayos ang ating buhay.
Manalig kang ang Diyos ay pag-ibig. Mahal ka Niya. Hindi Siya tulad ng iyong ama. Mahal din Niya ang iyong ama sa kabila ng kanyang kasamaan. Sa tulong ng Diyos, kailangan mong makalaya sa bilangguan ng di-pagpapatawad.
Paano? Isipin mong walang alam sa batas ng buhay ang iyong ama kaya’t nagawa niya ang kabuktutang isang halimaw lamang ang makagagawa. Kung siya ay mangmang, kailangan niya ng habag. Siya ang taong naliligaw ng landas at kailangan niyang may umakay sa kanya. Ang pag-akay sa kanya ay nagagawa lamang ng isang taong may pag-ibig na galing sa Diyos.
Dahil ang Diyos lamang ang nakapagbibigay ng pag-ibig na may kahabagan at pagpapatawad, lumapit ka sa Kanya at hilingin mong ibigay sa iyo ito. Kung wala ang Diyos sa iyong buhay at hindi ka nagpapatawad, tulad ka rin ng iyong ama, naliligaw ka ng landas. Kaya’t nararapat na dumulog ka sa Panginoong Jesus. Wika Niya, “Ako ang daan.” Sa Kanya mo matatagpuan ang tamang landas.
Sundin mo ang Kanyang mga Salita, “Magpatawad kayo tulad ng pagpapatawad ng Diyos sa inyo.”
Hilingin mo na patawarin ka Niya sa iyong di-pagpapatawad. Kapag naranasan mo ang pag-ibig ng Diyos sa iyong puso, ikaw ay magagalak at ngingiti. Sa pamamagitan ng pag-ibig ng Diyos na mararanasan mo sa iyong puso, hindi na magiging negatibo ang tingin mo sa mga lalaki, lalo na sa iyong boyfriend. Hindi na rin magiging negatibo ang pananaw at pagharap mo sa mga problema, pagkat bibigyan ka ng Panginoon ng karunungan, kaliwanagan at gabay. Kapag kasama mo ang Panginoon, magagalak ka at mangingiti kahit sa harap ng pighati, sapagkat “Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay tulad ng Bundok Zion, hindi sila matitinag” (Awit 125:1).
Babaguhin ng Diyos ay iyong puso. Aalisin Niya ang matigas na puso at papalitan Niya ito ng bago, malambot at buhay na puso. Ang bagong puso na galing sa Diyos ang magdadala ng ngiti sa iyong buhay. Ang pag-ibig ng Diyos sa iyong puso ay magdadala ng kaaliwan at kagalakan sa iyo. Ang pag-ibig ng Diyos sa iyong puso ang magdadala ng ganap na kagalingan sa nasaktan mong buhay (Kawikaan 17:22). Magiging maaliwalas ang iyong mukha. Lalo kang gaganda.
Si Job ay nakaranas ng sunud-sunod at kahindik-hindik na pagsubok na higit pa sa iyong naranasan.
Humingi siya ng karunungan sa Diyos. Nagbago ang kanyang pananaw. Ito ang kanyang wika, “Pupunuin ng Diyos ng tawa ang iyong bunganga at sigaw ng kagalakan ang iyong mga labi” (Job 8:21). Kung ito ay naranasan ni Job, mararanasan mo rin. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom
|