|
Sa darating na Miyerkules, ika-30 ng Hunyo, sa ganap na ika-12:00 ng tanghali, isang makasaysayan at maringal na pagdiriwang ang muli nating masasaksihan: ang panunumpa sa tungkulin o inagurasyon ng ating mga bagong halal na Presidente Noynoy Aquino at Bise-Presidente Jojo Binay. Ang pangyayaring ito ay matagal na hinintay ng sambayanan – hindi dahil ito ay tila isang programang atin lamang papanoorin, kundi dahil ito ay tanda ng buhay at makulay na diwa ng demokrasyang pilit nating inilalaban bilang mamamayan. Ang isang maayos at matahimik na pagsasalin ng kapangyarihan sa mga pinunong tunay na halal ng bayan ang isa sa mga tanda ng ating kalayaan sa pagpili.
Subali’t ano nga ba ang kabuluhan ng inagurasyon para sa mga ordinaryong mamamayan? Ito ang ilan sa mga damdamin at opinyon ng ating mga kababayan:
It means a renewed hope for the country and this change in the government will hopefully be for the good of the people. – Emer Bernardo, titser sa isang public elementary school
Would you believe na first time na bumoto ako ulit after Cory? Every election, nagpupunta ako (sa presinto) to cancel my ballot. I know he’s (Noynoy) not a superhero, but his sincerity is more than enough to convince me that there’s hope. – Chi Santos, isang maybahay
Isang malaking pagbabago para sa bansang matagal ng nalugmok sa kahirapan, at larawan ng tunay na demokrasya. – Thon Galura, lider ng kabataan
Isang panibagong pag-asam sa isang magandang buhay, panibagong pag-asa na may magandang pagbabagong mangyayari sa bayan. – Marina Bernardo, titser sa isang pribadong high school
Pagbabago. Pag-asa. Para sa bayan. Magkahalong pangamba at tuwa ang maari nating madama kung ating pagbabatayan ang saloobin na ito ng ating mga kababayan. Pangamba dahil tunay na mataas ang inaasahang pagbabago na pangungunahan ng bagong administrasyon, mga pagbabagong nakabatay sa mga pangakong binitawan ni Presidente Noynoy noong panahon ng kampanya; pangamba dahil kung hindi maiaayos ang mga inaasam na pagbabagong ito ay muling magtutulak sa marami sa ating mga kababayan upang muling mawala ang kanilang tiwala sa pamahalaan; pangamba dahil kung muli na lamang nating iaasa sa ating mga lider ang pagbabago sa bayan at hindi tayo makikilahok, tunay na mahihirapan tayong makamit ang tunay na pagbabago.
Subali’t nakakatuwang isipin, na marami pa rin sa atin ang walang kapagurang umaasa sa mga pagbabagong pangungunahan ng administrasyong Aquino; na sa kabila ng mga kahinaang bumabalot sa mga sistema at institusyon sa ating bayan, nananatiling buhay ang tiwala ng ating mga kababayan sa kapangyarihan ng Estado upang mapangyari ang mga programa at proyekto na magdudulot ng pag-unlad. Nakakamangha ang walang pagod na pagtataya at pagtitiwala na ang hinaharap ay magbabago sa isang paraang pabor sa higit na nakararaming Pilipino.
Marahil ay malaki ngang bahagi ng pag-asa at pagtitiwalang ito ay nakaugat sa katauhan ni Presidente Noynoy. May mga kani-kaniyang dahilan ang mga Pilipinong hindi siya ang binoto noong nakaraang halalan, mga kababayan nating pinagdudahan hindi lamang ang kanyang kakayahan at karanasan, kundi maging ang kanyang pagkatao. Subali’t sa kabila ng kaliwa’t kanang mga pagbatikos, higit na nanaig ang pagtitiwala sa kabutihang-loob ni Presidente Noynoy. Ito ang pinanghahawakan ng ating mga kababayan ng tahakin nila ang landas tungo sa mga presinto upang bumoto. Nakita nga marahil ng marami sa atin na nasa kay Presidente Noynoy ang uri ng pagkatao at mga katangian ng lider na kinakailangan ng ating bayan, lalo na sa panahong ito: isang matapat at mapagkakatiwalaang pinuno na magdadala sa atin sa isang moral transformation bukod pa sa inaasam na pang-ekonomiyang kaunlaran.
Sa Miyerkules, manunumpa na ang mga pinili nating lider. Subali’t isa sa mga pagbabagong magaganap ay ang panunumpa ng mga kinatawan ng iba’t ibang sektor at mga volunteers na mangangakong makikipagtulungan sa administrasyong Aquino upang maisakatuparan ang mga pangakong binitawan. Hindi lamang ang mga pinuno ang magtatalaga ng kanilang mga sarili upang buhayin at palakasin muli ang ating naghihingalong bayan. Kung kaya nating isipin, kaya nating gawin!
|