| Iba rin talaga ang mentalidad ng ilan sa ating mga opisyal ng gobyerno. Mahirap kasing i-generalize na ang kapangyarihan ang kumu-corrupt sa isip ng tao dahil hindi naman masyadong garapal sa ibang bansa. Dito lang talaga kakaiba sa Pilipinas.
Mantakin mong isang ‘shadow cabinet’ ang binubuo pa rin ni Defense Sec. Norberto Gonzales at welcome na welcome daw na sumali rito ang pababa na ring si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at si Gen. Delfin Bangit na napaaga ang pagreretiro bilang AFP chief of staff.
Sabi pa ni Gonzales, isang alternatibo raw ang gabineteng ito ng papasok na administrasyon ni President-elect Benigno ‘P-Noy’ Aquino III para asistehan sa pagpapatakbo ng gobyerno ang bagong halal na pangulo oras na kailanganin ito.
Sa totoo lang, ito talaga ang numero unong problema nating mga Pinoy e. Kada eleksyon na lang, hindi na talaga nangyari na nasosolido ang bansa pagkaluklok ng nanalo. Kasi naman, dalawang klase lang daw ang kandidato dito sa atin: isang nanalo at isang dinaya. Walang natalo kaya naman tapos na ang eleksyon ay nakikipagkumpitensya pa rin sa nakaupo ang mga nawala sa puwesto.
Napakatindi ng mentalidad ng paksyonismo dito. Hindi pa yata nangyari na nagbuklod ang magkakalabang pulitiko para sa pangkalahatang kapakanan at kapakinabangan.
Ayaw kasing magpasakop e. Ayaw pailalim. Kailangan talaga, makipaggitgitan sa mga tao sa kapangyarihan. Binigyan naman ng patas na laban! Mahirap intindihin kung bakit hindi maibigay ang suporta sa nanalo para muling umusad ang bansa bilang iisang puwersa.
Lahat kasi gustong bida. Ni ayaw maging supporting cast. Hindi nila alam, sa kakapilit nilang pumapel, todong kontrabida na ang papel nila.
Tapusin na natin ang mentalidad na ito. Paminsan-minsan naman ay unahin natin ang kapakanan ng sambayanan, higit kaysa ambisyon ninyong manatili sa kapangyarihan kahit tapos na kayo o kaya ay inayawan kayo ng tao sa isang patas na laban.
Respeto sa mga botante. Pagpapakumbaba. Pag-ibig sa bayan at pagmamalasakit sa sambayanan. ‘Yan lang ang tumubo sa puso ng mga pulitiko at taong gobyerno, malaking hakbang na ito tungo sa pagsulong natin bilang isang lahi, isang bansa.
Kung nais n’yong tumulong, tumulong kayo kahit wala sa puwesto. Hindi kailangan ang titulo, hindi kailangan ang kapangyarihan para gawin ito. Ibigay ninyo ang pagkakataon sa mga inihalal na opisyal ng bayan.
Tapos na kayo, sila naman!
|