 |
Bagong NLEX main --- Bukas na ang NLEX Mindanao Ave. Link, isang bagong expressway na nag-uugnay sa Mindanao Ave. sa Quezon City sa main North Luzon Expressway (NLEX) sa Valenzuela City junction. Isinagawa ang inagurasyon sa 2.7 kilometrong world-class road na tinawag na Segment 8.1 noong Enero 4. Layunin nitong mapaluwag ang masikip na daloy ng trapiko at bulto ng sasakyan sa Balintawak, ang main entrance ng expressway. Ito ay idinesenyo ng builder at concessionaire nitong Manila North Tollways Corp. (MNTC) para i-accommodate ang may 30,000 motorista araw-araw tungo sa mas maluwag na entrada sa NLEX. |
Isa sa pangunahing testigo sa karumal-dumal na Maguindanao massacre, na nauna nang pinagkaitan ng witness protection ng Department of Justice (DOJ), ang walang buhay na bumulagta, may 10 araw na ang nakakaraan.
Ayon kay Atty. Harry Roque, abogado ng 14 sa 57 biktima ng masaker noong Nobyembre 23, 2009, tatlong sources ang kumumpirmang pinaslang noong Hunyo 14 si Suwaid Upham, isa sa mga lumantad na testigo at umaming kasama siya sa mga bumaril sa mga biktima sa utos ng mga Ampatuan.
Nabatid na si Upham, binansagan ng media na “Jessie”, ay binaril sa Parang Poblacion ng Maguindanao noong Lunes ng nakaraang linggo.
“I put the blame for the death of ‘Jessie’ to Secretary Alberto Agra and his principal, Gloria Macapagal-Arroyo, who refused to accord him protection. There is blood in Agra and Mrs. Arroyo’s hands. May they forever be haunted by the souls of Jessie and the rest of the victims of the massacre,” ani Roque.
Idinagdag pa ni Roque, na siyang humiling na ipaloob sa witness protection program (WPP) ng DOJ si ‘Jessie’, na ni hindi na-interview ng DOJ panel ang kanilang testigo makaraan ang dalawang naudlot na scheduled interviews.
Si ‘Jessie’ o Upham ay close-in bodyguard ni Datu Kanor Ampatuan, pinsan ni Andal Ampatuan Jr., dating alkalde ng bayan ng Datu Unsay. Inamin nito sa isang panayam ng media sa pinagtaguan sa kanyang safehouse sa Metro Manila na alam niya ang buong plano at halos dalawang metro lamang ang kanyang layo mula sa mga salarin nang isakatuparan ang masaker noong Nobyembre 23.
Inamin din nito na isa siya sa pitong gunmen na rumatrat sa mga biktima, kasama ang may 32 mamamahayag.
Kinilala nito ang mga salarin na si Andal ‘Unsay’ Ampatuan Jr. at mga pinsan nitong sina Kanor Ampatuan, Ban Ampatuan at Mama Ampatuan; PO1 Ando Masukat; at isang kilala lamang niya bilang “Kudja”. Ibinunyag din niya na iniutos nina dating Gov. Andal Ampatuan Sr. at ARRM Gov. Zaldy Ampatuan ang pamamaslang.
Ilang linggo din umano pagkatapos ng masaker ay pinaslang niya ang driver ni Datu Kanor sa utos diumano ni Andal Jr. na noo’y nasa kustodya na ng National Bureau of Investigation (NBI).
Tumakas umano siya sa poder ng mga Ampatuan at lumantad para maging testigo nang matunugan niyang pinapapatay din umano siya ng mga Ampatuan.
Ayon kay Roque, kinupkop ng isang religious group si ‘Jessie’/Upham ngunit umalis din sa seminaryo matapos itong salakayin ng mga armadong kalalakihan. Nagpasyang bumalik ng Maguindanao ang testigo dahil sa matinding pagkadismaya sa uri ng sistema ng hustisya.
Kinondena ni Elaine Pearson, Asia Director ng Human Rights Watch, ang pamamaslang.
“Suwaib Upham took enormous personal risks by agreeing to testify against Ampatuan family members, yet the government, knowing full well he was in danger, did nothing. This sends the worst possible message to other witnesses thinking of coming forward,” anang grupo.
Kaugnay nito, inatasan kahapon ng Malacañang ang buong security forces ng pamahalaan na gamitin ang special powers sa ilalim ng umiiral na state of emergency sa Maguindanao upang matugis ang mga salarin na pumaslang sa Maguindanao massacre witness na si Upham.
Sa text message ni deputy presidential spokesman Gary Olivar, sinabi nito na galit ang Malacañang sa huling kaganapan sa Maguindanao massacre case kung kaya binibigyan umano nila ng “go signal” ang buong security forces na gamitin ang lahat ng kapangyarihan sa ilalim ng umiiral na state of emergency sa lalawigan upang maresolba ito sa lalong madaling–panahon.
|