|
Patay ang isang 28-anyos na lalaki makaraang tumalon ito mula sa mataas na tower ng isang radio station kamakalawa ng hapon sa bayan ng Magarao, lalawigan ng Camarines Sur.
Dead on the spot nang bumagsak sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Salvador Morandante, umano’y may diperensya sa pag-iisip at kasalukuyang nakatira sa barangay San Isidro ng nasabing bayan.
Lumalabas sa ulat na dakong ala-1:30 ng hapon nang hindi mapansin ng guwardiya na MBC-DZRH satellite station na matatagpuan sa nasabing barangay ang biktima na pumasok sa nasabing compound.
Inakyat umano nito ang may 180 feet na taas ng tower at pagdating sa tuktok ay nagsisigaw.
Sinikap namang pakiusapan ng mga guwardya ang lalaki na bumaba at huwag tumalon subalit imbes na makinig sa kanila ay tila si Superman pa itong tumalon sa tower at una ang ulong bumagsak sa semento dahilan ng agad nitong kamatayan.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid ang dahilan ng biktima sa nasabing pagpapatiwakal.
|