|
PARA ngang nakakita ng multo si Enrico nang makaharap sa bilihan ng karpa ang mommy ni Melanie. “N-Nabuhay kayo…?”
“Dahil hindi ako namatay. Naligtasan ko ang gulo ninyo ng ama mo,” walang ngiting sagot ni Candida. Nakilala niya si Enrico. Ito ang lalaking nagpaluha at nang-alipin kay Melanie sa pag-ibig.
Napalunok si Enrico, walang maisalag. Nais niyang kumustahin sa ginang si Melanie.
Pero maging ito ay hindi naisatinig. Ang matalim na titig ng mommy ni Melanie ay hindi yata niya kayang tagalan..jpg)
Bago pa man siya nakabawi ay may ibinigay na sa kanya ang legal na misis ng kanyang ama.
Dalawang malakas na sampal. Pak. Pak.
Napabiling ang mukha ni Enrico, namanhid ang kanyang pisngi. Naiskandalo ang tindera ng karpa pati ilang mamimili.
“Para iyan sa pambubusabos mo kay Melanie! Wala kang karapatang apihin ang anak ko!” halos sigaw na ni Candida, hawak sa isang kamay ang nakatuhog na dalawang karpa na bagong huli sa dagat.
Namula sa pagkapahiya ang binata, parang itinulos sa kinatatayuan.
Matapos magbayad sa tindera ng karpa, salubong ang kilay na tinungo na ni Candida ang kotseng naghihintay sa di-kalayuan.
May family driver si Candida, may edad nang lalake. Mahinahon na nitong pinatakbong palayo ang sasakyan.
Naiwan si Enrico na nangingibabaw ang galit. Bakit maling-mali ang paghusga ng ginang sa namagitan sa kanila ni Melanie?
Hindi naman menor-de-edad si Melanie nang kanyang angkinin ito, di ba? At alam ba ni Aling Candida na nagbigay naman si Melanie? Maling tawagin na binusabos niya si Melanie; hindi rin totoo na inapi niya ito.
“Hindi mo kasi alam na umibig sa akin nang husto ang iyong dalaga, Aling Candida! Mali kaaa!” malakas na sigaw ni Enrico sa direksyong tinungo ng sasakyan ng ginang.
Napatanga lalo sa binata ang mga nasa bilihan ng karpa.
Walang pakialam na tinungo na rin ni Enrico ang sariling kotse, bitbit din ang biniling nagkikislutan pang isda.
ANG HINDI alam ni Enrico, hindi doon nagtatapos ang drama sa kanyang buhay; sa araw ding ito ay may isa pang matinding eksenang magaganap. Isa-dalawang kilometro na lang ang layo nina Monet at Melanie sa kanyang junkshop.
“Monet, okay ka lang?” may pag-aalalang tanong ni Melanie sa tauhan na umano’y syota ni Enrico.
“Opo naman, mam! Kayo po, okay din?”
Tumango si Melanie. Pero nagsisinungaling siya. Para nang magigiba ang dibdib niya sa kaba habang palapit sa teritoryo ni Enrico. (ITUTULOY)
|