SI
Marian Rivera nga ang napiling cover girl para sa paglabas ng 100
Most Beautiful of 2009 ng YES! Magazine.
Hindi nga naman kailangan pang kuwestiyunin kung bakit si Marian
ang napili bilang cover girl dahil siya nga naman ang naging pinakamalaking
star nitong nakaraang taon.
Ngayon ay hinahanda na ni Marian ang kanyang sarili para sa kanyang
paglipad bilang Darna.
Inamin nga ni Marian na physically ay hirap na hirap siya sa
pagganap bilang Darna. Hindi nga raw biro ang mag-training siya
sa harness dahil masakit daw ito sa katawan. Tapos may fight routine
pa siyang pinag-aaralan na never pa niyang ginawa.
“Iba talaga itong Darna. Dream role talaga ito kaya talagang
paghihirapan mo nang husto. Pero kahit na pasa-pasa na ang katawan
ko after ng training, happy naman ako kasi may na-accomplish akong
bago sa araw na iyon. May natutunan ako na maia-apply ko sa bagong
show.
“Kaya hangga’t maaari ay hindi ako nagpupuyat at
tama ang mga kinakain ko. Bawal akong tumaba kasi nga bibigat ako.
Mahirap nang hindi magkasya sa akin ang Darna costume!” sabi
ni Marian.
Hindi nga rin iniinda ni Marian ang mga comparison sa kanya ng ibang
tao kay Angel Locsin, ang huling gumanap na Darna sa telebisyon.
Sey ni Marian ay ini-expect na niya iyan, kaya welcome sa kanya
ang mga pintas at papuri na ibibigay ng mga tao sa kanya.
“Tulad nang sinabi ko noon, expected ko na lahat ‘yan.
Hindi na tayo bago sa showbiz, eh. Darating talaga ang pagkakataon
na maikukumpara sa ibang artista.
“Okey lang naman sa akin iyon. Hindi na ako napipikon sa ganyan.
Kung noong baguhan ako, medyo affected tayo. Pero ngayon, dahil
sa mga blessings na parating dumarating, bakit pa ako maapektuhan?
“Maging masaya na lang ako kasi nandiyan pa rin ang mga taong
naniniwala sa kakayahan ko bilang artista at bilang tao. Sa mga
hindi pa rin ako matanggap, okey lang din. Kasama ‘yan sa
trabaho namin,” pagtatapos ni Marian.
|