Nahaharap ngayon sa kasong “business malpractice”
ang Sun Life of Canada Philippines Inc. dahil sa umano’y ilegal
na pagpapalabas ng impormasyong pinansiyal ng isang policy holder
na may $1.8 milyong investment sa iba’t iba nitong insurance
policy.
Ang nasabing kumpanya ay sinampahan ng kaso sa Manila City Regional
Trial Court, Branch 6, ni businesswoman Ma. Teresa D. Chua, kung
saan ikinatwiran na ang nasabing leak ay nagbunsod sa kaniya ng
“mental anguish, severe anxiety, sleepless night, wounded
feelings ... ridicule, embarrassment and humiliation.”
Sa 2-pahinang order, itinakda ni Presiding Judge Jansen R. Rodriquez
of Manila City Regional Trial Court, Branch 6, ang pre-trial ng
reklamo ni Chua laban sa Sun Life, pinakamatagal na domestic life
insurance arm ng Toronto-based Sun Life Financial Group of Companies,
sa August 28, 2009.
Si Chua ay humihiling ng P25 million damages sa Sun Life dahil
sa umano’y paglabag nito sa Code of Business Conduct nang
magpalabas ng mga personal na impormasyon hinggil sa kliyente nito.
Sa insidente, sinabi ni Chua na hindi lang kanyang emosyon ang nasaktan
kundi ang kanyang negosyo na nalugi rin ng hanggang P5,481,250.
Sa 6-pahinang reklamo nito, sinabi ni Chua na ang Sun Life ay nagbigay
ng kanyang mga personal na impormasyon sa Bureau of Internal
Revenue (BIR), umano’y paglabag sa confidentiality agreement
ng kumpanya, gayundin sa Code of Business Conduct.
|