|
Dear Sen. Escudero,
Magandang umaga po! Isa ako sa masugid na tagabasa ng inyong column
sa Abante. Inaamin ko rin pong isa ako sa maraming nahihirapan sa
pagbabayad ng uatng sa credit card companies. Sa ngayon ho kasi
ay may 8 inactive cards ako o mga pinaputol ng mga kumpanya dahil
sa delayed payments. Totoo ho bang pwede akong habulin at ipakulong
dahil dito? Anong gagawin ko kapag hinarass nila ang pamilya ko
dahil ‘di nila ako mahagilap? Pwede rin ba nilang kunin ang
mga pag-aari ko gaya ng appliances, kotse, o bahay? Salamat
po.
Respectfully yours,
Anonymous
Dear Anonymous,
Sa una mong katanungan, nais mong malaman kung maaari kang makulong
dahil sa isang pagkakautang. Bago kita sagutin, linawin muna natin
ang sitwasyon kung paano ka nagkaroon ng utang.
Kung ang pagkakautang mo sa mga credit card companies na ito ay
sa kadahilanan lamang na hindi ka makabayad sa kanilang singil na
walang kasamang panlilinlang mula sa iyo upang ikaw ay mapautang,
malayo na ikaw ay makulong dahil sa ito ay ipinagbabawal ng ating
Saligang Batas.
Malinaw sa ating Saligang Batas na walang sinuman
ang maaaring makulong dahil lamang sa isang pagkakautang.
Sa kabilang banda naman, kung ikaw ay gumamit ng panlilinlang sa
kanila upang ikaw ay mapautang at dahil sa panlilinlang na iyon
kaya sila pumayag magpautang, sa ganitong sitwasyon maaari kang
makulong sa kadahilanan na ang iyong ginawa ay maaaring ituring
na isang krimen.
Sa ikalawang katanungan mo, kadalasan nangyayari ang sitwasyon na
ito kapag sinusubukang kolektahan ang may utang at ang may utang
ay nagtatago. Ang ganitong klaseng sistema ng paniningil ay kadalasang
dala ng paghahabilin ng credit card company ng paniningil sa isang
collection agency. Ang collection agency, bilang bihasa sa ganitong
sitwasyon, ay may mga ginagamit na estilo upang mapabayad ang may
utang. Minsan nga lamang ang mga estilong ito ay may pagkaradikal
katulad ng pakikipag-usap sa mga kamag-anak ng may utang.
Tandaan na ang estilo ng paninigil ay may hangganan at ‘di
maaaring umabot sa pang-aabuso sa karapatan at katahimikan ng isang
tao. Kung ang ginagawang pangongolekta ay umaabot na sa paglabag
sa karapatan ng isang tao, dapat na itong ireklamo at idulog
sa tamang proseso ng batas.
Para naman sa iyong huling katanungan, totoo na maaaring kunin ang
iba mong ari-arian kapag napatunayan sa hukuman na ikaw nga ay may
pagkakautang at ikaw ay hindi nagbabayad. Ayon sa ating batas, pinapayagan
na hilahin ang ilan sa mga kagamitan ng isang tao bilang kabayaran
sa kanyang obligasyon na ‘di magampanan. Natural lamang na
kung hindi makabayad ang isang tao sa kanyang pagkakautang ay pahihintulutan
ang nautangan na humanap ng alternatibong kabayaran.
Kasama na sa alternatibong ito ay ang pagkuha
sa ibang kagamitan upang isubasta. Ang perang makukuha sa subasta
ay siyang gagamiting pambayad sa pagkakautang.
Tandaan lamang na ang pagkuha sa kagamitan ng isang may utang ay
dapat dumaan sa tamang proseso kung saan ang hukuman mismo ang nagpahintulot
dito. Kinakailangan pa rin na may legal na prosesong umiral bago
maisagawa ang paghila ng kagamitan.
Payo ko lamang sa mga mamimiling humahawak ng credit card at sa
mga nagbabalak magkaroon ng credit card: Ang pagkuha ng credit card
ay isang kontrata sa pagitan ng bangko at ng isang tao. Bagama’t
sa ganitong sistema pinahihintulutan na umutang ang isang tao, hindi
nangangahulugan na maaaring gawin ito ng walang pakundangan. Ang
hindi pagbayad ng obligasyon ay may mga legal na epekto laban sa
iyo. Mas mainam na maging tapat tayo sa ating mga obligasyon upang
maiwasan ang perwisyo para sa parehong panig.
Sumasainyo,
Senator Francis “Chiz” Escudero
***
Ilakip
ang inyong pangalan at address sa inyong ipadadalang mga katanungan
at mga suhestyon. Maaari kayong magpadala ng liham sa tanggapan
ng pahayagang ito sa No. 167 Liberty Bldg., Roberto Oca St., Port
Area, Manila o e-mail sa chizescudero2007@yahoo.com o sa pamamagitan
ng SMS o text message sa teleponong 0915-2974053.
|