Tuluyan nang itinuring ng pulisya bilang mga
suspek si Indanan, Sulu Mayor Alvarez Isnaji at anak nitong si Haider
‘Jun’ Isnaji, kapwa tumayong negosyador sa kidnapping
ng ABS-CBN news team ni Ces Oreña-Drilon.
Dahil dito, hindi na pinawalan at agad na inilagay
sa kustodya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)
ang mag-amang Isnaji na nakatakdang sampahan ng four counts ng kasong
kidnapping sa Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General
Avelino Razon Jr., lumakas ang kanilang ebidensya laban sa mga nabanggit
base sa mga nakalap na mga salaysay at rebelasyon ng mga testigo
sa paggulong ng imbestigasyon kasunod ng pagpapalaya kina Drilon
at mga cameramen na sina Angelo Valderama at Jimmy Encarnacion at
guide na si Mindanao State University (MSU) Prof. Octavio Dinampo.
“Pagka-release nina Drilon, when the investigation started
(and) after debriefing of the victims dito na-unravel (‘yung)
fact na Isnaji is involved in the kidnapping,” paliwanag ni
Razon.
Maliban dito, marami rin aniyang nakitang inconsistencies sa mga
pahayag patungkol sa kidnapping nina Drilon ang mag-amang Isnaji
na sumasailalim sa maghapong interogasyon ng anim na abogado ng
CIDG sa Camp Crame.
Malaking palaisipan pa rin sa mga awtoridad kung bakit partikular
na napisil ng grupo ng Abu Sayyaf sa likod ng Drilon kidnapping
si Isnaji para tumayong negosyador.
Kabilang sa nakatakdang sampahan ng kaso ay ang may 14 miyembro
ng ASG na tinukoy ng apat na bihag, isang Atty. Inawat at isang
nangangalang Kasim. Kinilala ni Gen. Razon sa hiwalay na ulat ang
suspek na si ‘Kasim’ bilang si Sulu Police provincial
commander Sr. Supt. Julasirim Kasim.
“We have questioned Col. Kasim and we are looking for Atty.
Inawat, ‘yung kausap niya doon,” ani Razon.
Niliwanag naman ng heneral na hindi ibinibilang na suspek si Dinampo
na kasalukuyan pa ring sumasailalim sa debriefing sa CIDG sa Zamboanga
City. Maaari rin aniya itong ipatawag anumang oras ng mga police
probers kung kakailanganin.
Kahapon ay inilabas ng militar sa media ang propesor at dito ay
siniguro nitong, “I am not being held against my will.”
Wala nang magne-negotiate
Nagpahayag naman ng pangamba si Sulu Rep. Yusof Jakiri na mag-iwan
ng negatibong marka ang pagkakaipit ngayon ng mag-amang Isnaji matapos
na tumulong sa negosasyon na humantong sa ligtas na pagpapalaya
sa buong ABS-CBN news team.
Marami na umano ang matatakot na mamagitan sa mga susunod na insidente
ng hostage-taking at kidnapping sa takot na masabit sila at mapagdudahang
kasabwat ng mga abductors.
Mismong ang pinalayang propesor ng MSU ay hindi makapaniwala
sa paratang sa alkalde habang maluha-luha nitong isinasalaysay sa
media ang pagsisikap na ginawa ni Isnaji para sila mapalaya. “Mayor
Isnaji is instrumental in our safe release,” wika nito. “There
is no basis for the authorities to hold Mayor Isnaji. Isnaji was
someone the negotiators trust since (Sulu Deputy Gov. Nur Ana) Sahidulla
was rejected by the Abu Sayyaf.”
Maging ang pamunuan ng Moro National Liberation Front (MNLF)
ay nagbigay ng buong suporta sa mag-amang Isnaji. Hindi umano nila
mapaniwalaan ang ibinibintang dito ng mga awtoridad matapos ang
matagumpay na misyon ng alkalde.
“We were all shocked by the news. This is very unfortunate
because Mayor Isnaji is a good man. We don’t believe he is
involved in anyway with the kidnappings and he should be set free
by the authorities,” ani MNLF chief at Cotabato City Mayor
Muslimin Sema sa panayam ng Abante.
Sino si Mayor Isnaji?
Si Isnaji ay isa sa pitong kandidato na tatakbo sa pagka-gobernador
sa Muslim autonomous region sa August. Kalaban din ni Isnaji sa
posisyon ang kasalukuyang gobernador ng Muslim autonomous region
na si Zaldy Ampatuan, na kaalyado naman ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Kasalukuyan itong chairman ng Sulu League of Municipalities. Bago
ito naging mayor ay naging speaker ito ng Regional Legislative Assembly
sa Muslim autonomous region at minsang naging acting regional governor
noong 2001.
Miyembro rin si Isnaji ng MNLF’s Central Committee na siyang
lumagda ng peace agreement sa pamahalaang noong 1996.
M’cañang ‘di kakanlungin ang aklakde
Hindi pagkakalooban ng proteksyon ng Malacañang ang Indanan
mayor at anak nito mula sa kakaharaping kaso.
Sa halip, sinabi ni Press Sec. Jesus Dureza na dapat na manaig ang
hustisya at ipatupad ang “full force of the law” at
walang exempted dito.
“Government’s trajectory now is to get all those involved
and apply the full force of the law. If there is sufficient evidence
adduced against anyone, Mayor Isnaji included, then the axe of justice
will necessary take its swing,” ani Dureza.
Gayunpaman, sinabi rin ng Palasyo na kung wala namang sapat na ebidensya
laban sa alkalde at anak nito ay marapat lamang na linisin ang pangalan
ng mga ito.
Siniguro rin ni Local Government Sec. Ronaldo Puno na pananagutin
sa batas ang lahat ng sangkot sa kidnapping, anuman ang naging partisipasyon
nito.
Sa kaso umano ni Isnaji at ng anak nito, partikular sa inihahanap
ng sagot ay kung sino ang higit na nakinabang sa serbisyo ng tumayong
negosyador: ang mga bihag ba at pamilya nito o ang bandidong kidnappers?
Sa puntong ito lamang umano maeestablisa kung may kinalaman o kung
may naging bahagi nga ang alkalde sa krimen higit sa kalutasan nito.
Misteryo ng duffel bag
Sa kabila ng paulit-ulit na paniniyak ng pamahalaan (lokal at nasyunal),
ng pamunuan ng ABS-CBN at ng pamilya ng mga biktima na walang naganap
na bayaran ng ransom kapalit ng paglaya ng apat, pinalalim ng pulisya
ang imbestigasyon sa ‘misteryo ng dalawang duffel bag’
na diumano’y pinaglagyan ng multi-milyong ransom na ipinantubos
sa grupo ni Drilon.
Dito nadawit ang pangalan ni Kasim matapos mapaulat na naispatan
diumano ang koronel sa Jolo Airport noong Martes ng hapon sa paglapag
ng isang commercial flight ng Seair na diumano’y naghatid
ng dalawang bag ng pera.
Nauna nang binatikos ni Sen. Rodolfo Biazon ang patuloy na pagtanggi
ng pamahalaan sa ransom dahil napakaimposible umano nitong paniwalaan.
Kahapon ay nakiisa rin si Fr. Ronhillo Aquino, Dean ng Graduate
School of Law ng San Beda College, sa pagbatikos sa ‘script’
ng gobyerno sa pagsasabing napakalaking kaistupiduhan ito para
bumenta sa tao.
Kahapon ay inilutang din ni Justice Sec. Raul Gonzalez ang dudang
‘fund raising’ para sa kandidatura ng ilang pulitiko
ang nasa likod ng naturang kidnapping. Ang tinutukoy ay ang nalalapit
na Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) elections sa
Agosto 11 ng taong ito.
Mga batang bandido, mararatrat din
Aminado ang pamunuan ng militar na wala itong magagawa sakali umanong
mga batang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf ang makasagupa nito
sa inilunsad na punitive action sa kuta ng mga ito sa Basilan at
Sulu.
Ito ang inihayag na reaksyon ni Armed Forces of the Philippines
Public Information Office Chief, Lt. Col. Ernesto Torres Jr., sa
ginawang rebelasyon ng napalayang Channel 2 anchorwoman na kabilang
sa mga dumukot sa kanila ay mga menor-de-edad (12 hanggang 17-anyos)
na armado ng matataas na kalibre ng armas.
Ipinaliwanag pa ni Torres na may mga insidente na umanong may napatay
ang militar na mga child combatants dahil hindi naman umano kaagad
malalaman ng mga sundalo na mga menor-de-edad pala ang kanilang
nakakasagupa.
Sa panig naman ni Sec. Gonzalez, sinabi nitong hindi maaaring kasuhan
ang mga batang kidnappers na inilarawan ni Drilon na siyang nagbantay
sa kanila dahil ipinagbabawal umano ito ng batas.
Sa halip ay ibibigay umano ang mga ito sa kalinga ng Department
of Social Welfare and Development (DSWD) kung mahuhuli.
“...they have grown up on culture where violence is accepted,”
pagbibigay-katwiran ng kalihim sa aksyon ng mga batang bandido.
|