Pagkakalaboso at pagkalatigo ang naghihintay sa 72-kalalakihang Pinoy matapos maaresto matapos mahuli sa aktong nakasuot ng pambabaeng kasuotan sa isang pribadong pagtitipon sa Saudi Arabia.
Lumabas sa Arabic online news na www.sabq.org na ilang kala-lakihan na kinabibilangan ng ilang Pinoy na mga binabae ang inaresto habang dumadalo sa isang konsiyerto sa isang compound sa Riyadh.
Kinumpirma ng hindi pinangalanang pulis na kasamang sumalakay sa pinagdausan ng konsiyerto na 72 sa mga inaresto ay pawang bading na Pinoy.
Samantala, sinabi ni Vice Consul Roussel Reyes ng Philippine Embassy sa Riyadh na kinukumpirma pa ng kanyang tanggapan ang pagkaka- kilanlan ng mga Pinoy na naaresto at hihingi rin ng saklolo sa kanilang mga employer para makatulong sa pagbabayad ng kanilang piyansa.
Matatandaang mahigpit na ipinagbabawal sa Saudi sa ilalim ng Sharia’h Law ang lantarang pagkilos ng mga homosexual kung saan ay may karampatang kaparusahang naghihintay sa mga lalabag.
Ang sinumang mahuhuling lalaking magsusuot ng damit pambabae ay mahaharap sa anim na buwang pagkakabilanggo at malalatigo ng 50-100 beses gamit ang rattan stick.
|