www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

Pirma drive vs ConAss patok na patok sa studes

(Dindo Matining/Noel Abuel/Bernard Taguinod)

 

Kahit ang kinatatakutang Influenza A(H1N1) virus na mabilis na kumakalat sa bansa ay hindi nakahadlang sa mga estudyante sa pagsuporta sa inilunsad na signature campaign laban sa Charter change (ChaCha) sa pamamagitan ng Constituent Assembly (ConAss) na ipinorma na ng mga galamay ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Kamara.


Ayon kay Kabataan partylist Rep. Raymond ‘Mong’ Palatino, naging mainit umano ang pagtanggap ng mga kabataang estudyante sa kanilang ‘pirma drive’ laban sa ChaCha via ConAss na sinimulan nila kahapon sa University belt sa unang araw mismo ng klase.


“Overwhelming naman ang reception nila sa signature campaign namin. Marami na ang lumagda sa tingin naman magiging makabuluhan ito dahil it really showed na ang grupo ng kabataang estudyante ay hindi pabor sa pagbabago ng Konstitusyon,” ani Palatino sa panayam kahapon.


Ilan sa mga unibersidad at kolehiyo na kanilang nilagyan ng mga signature campaign booths ay San Beda, University of Sto. Tomas (UST), Polytechnic University of the Philippines (PUP), San Sebastian College (SSC), University of the East (UE), Far Eastern University (FEU) at iba pang unibersidad at kolehiyo sa bisinidad ng Recto at Morayta sa Maynila.


Nabatid na target ng kampanya na makalikom ng isang milyong lagda mula sa mga kabataang estudyante bago pa man ang State of the Nation Andress (SONA) ni Pangulong Arroyo sa Hulyo 27 kasabay ng pagbubukas ng sesyon ng Kongreso.


Kaugnay nito, tiniyak din ni Gabriela partylist Rep. Liza Maza na hindi makakahadlang ang A(H1N1) scare sa mga susunod na malalaking anti-ChaCha/ConAss rally simula ngayon hanggang sa SONA ni Arroyo.


“Mas deadly ang ConAss kesa A(H1N1) kaya tuloy ang mga pagkilos,” ani Maza.


Inaasahan naman ang mas malalaki pang pagkilos laban sa ChaCha/ConAss sa mga susunod na araw lalo pa’t nakikapit-bisig na rin ang mga kababayang Muslim sa isinusulong na laban ng Simbahang Katoliko.


Sa isang pahayag ng Philippine Council for Islam and Democracy (PCID) na ipinoste ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa kanilang online news site sa internet, kinondena nito ang pag-aapura ng mga kongresista na itulak ang pagretoke sa Saligang Batas kasabay ng pananawagan sa kanilang mga kapwa Filipinong Muslim na manindigan laban dito tulad ng iba pang kababayan.

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section