www.abante-tonite.com
 
 
 
Wrong spelling is wrong

 

Dear Senator Escudero,


Ano pong dapat na gawin sa problema ko sa pangalan ko sa birth certificate? “Sheryl” ang nasa birth certificate ko pero since elementary hanggang nag-asawa ako “Sherylle” ang ginagamit ko na pangalan.

Hanggang ngayon ganundin sa SSS, Philhealth & Pag-ibig “Sherylle” ang ginamit ko. Nagpa-affi­davit ako nu’ng ikinasal ako. Balak ko sanang mag-abroad this coming year, pero problema ko kung paano aayusin ang name ko. Wrong spelling is wrong pala talaga. Kaya, nahihirapan akong mag-asikaso ng mga papeles. Ano’ng dapat gawin? Sana masagot niyo ang aking katanungan. Mara­ming salamat po.


Sherylle

Dear Sherylle,


Ayon sa ating bagong batas na Republic Act No. 9048, na naipasa noong March 22, 2001, maaari nang palitan o iwasto ang anumang “clerical” or typographical na pagkakamali sa unang pangalan o palayaw na nakasaad sa civil register nang hindi na kinakailangan pang dumaan at kumuha ng utos mula sa hukuman.


Ayon pa rito, ang “clerical” or tipograpikal na pagkakamali ay isang pagkakamali na mula lamang sa maling pagkasulat, pagkopya, o pagpasok ng impormasyon sa civil register na hindi makakasama, tulad ng maling pagbabaybay ng pangalan o maling pagbabaybay ng lugar ng kapanganakan, at iba pa tulad ng mga ito, at kayang maiwasto sa pamamagitan lamang ng pagtukoy sa iba pang mga dokumento.


Maaaring maghain ng isang petisyon na beripikado ang sinumang may personal na interes sa pagwawasto ng isang clerical na pagkakamali. Ang petisyon ay maaring isumite sa opisina ng lokal na civil register ng munisipyo kung saan nakatago ang tala na nais palitan o iwasto. Ito ay dapat nasa porma ng isang salaysay na pinasatotoo sa harapan ng isang opisyal na may kapangyarihan na mangasiwa ng sumpa.


Dapat na nakalahad sa salaysay na ito ang mga pangyayari na kinakailangan upang mapatunayan ang merito ng petisyon at ang kakayahan mo na mapatunayan ang mga ito. Ang petisyon ay dapat suportado ng mga sumusunod na dokumento: 1. “certified machine copy” ng sertipikasyon o pahina ng talaan kung saan nakasulat ang maling pangalan. (ito ay kopya na nagmula sa NSO); 2. dalawang publiko o pribadong dokumento na pagbabasehan ng pagtatama sa maling pangalan (halimbawa nito ay employment record, GSIS/SSS record, medical record, school record, driver’s license, at iba pa); at 3.) katunayan o certification mula sa tanggapan ng NBI na wala kang kasulukuyang kaso o rekord na criminal.


Ang petisyon o sinumpaang salaysay ay dapat ilathala sa isang dyaryo ng dalawang beses sa magkasunod na linggo. Pagkatapos ay ihahain ng tatlong (3) kopya ng personal sa lokal na civil registry kung saan nakalista ang pangalan na nais baguhin. Kung ang lugar na nasabi ay masyadong malayo at hindi na praktikal na mapuntahan pa, maaaring ihain ang petisyon ng personal sa lokal na civil registry kung saan ka kasalukuyang nakatira.


Kung may karagdagan ka pang katanungan, pwede mong sad­yain ang lokal na civil registry sa inyong lugar.


Sumasainyo,
Senator Francis “Chiz” Escudero

Ilakip ang inyong pangalan at address sa inyong ipadadalang mga katanungan at mga suhestyon. Maaari kayong magpadala ng liham sa tanggapan ng pahayagang ito sa No. 167 Liberty Bldg., Roberto Oca St., Port Area, Manila o e-mail sa chizescudero2007@yahoo. Maaari ring magpadala ng mensahe sa pamamagitan ng text: CHIZ <space> mensahe sa 2976. Huwag kalilimutang ilagay ang pangalan, address, at telephone number sa inyong mensahe.

 

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designedd and developed by:
MIS Section