Malinaw
ang ipinahihiwatig ng malawakang rally kahapon sa halos buong sulok
ng bansa na ayaw na ng taumbayan ang ginagawa ng kasalukuyang administrasyon
ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Parang isang kumukulong tubig na sa isang iglap ay tuluyan nang
sasabog kapag hindi nag-ayos-ayos ang mga nakaupo sa pamahalaan.
Bagama’t hindi naabot ng rally ang target na bilang, ang mahalaga
ay nakapaglabas ng saloobin ang taumbayan hinggil sa isinusulong
na Constituent Assembly ng mga kapanalig ng Pangulo.
Malinaw na ayaw nila ng Con-Ass, ayaw nila ng Charter change at
higit sa lahat ayaw nila ng term extension.
Pagbali-baligtarin man ang mundo, pagpapalawig sa termino ni Arroyo
ang tinutumbok ng Con-Ass na ito at ngayon na nagsalita na ang taumbayan,
siguro naman dapat nang patigilin ni Arroyo ang kanyang mga alagad
sa kanilang masamang binabalak.
Maraming bagay ang dapat na unahin ng gobyerno, nariyan ang malaking
banta ng A-H1N1 na malapit nang ideklarang pandemic, at dengue na
patuloy pa ring bumibiktima sa maraming Pilipino.
Kung tutuusin, mas dapat na bigyan ng solusyon ang patuloy na pananalasa
ng dengue sa bansa lalo na ngayong tag-ulan na at hitik na naman
ng mga lamok ang kapaligiran.
Marami nang buhay ang nawala sa sakit na dengue at ngayon tila kulang
pa rin ang ginagawang hakbang ng health department para tuluyang
masugpo ito.
Nariyan din ang problema sa patuloy na pagbulusok ng export industry
na tiyak na magpapapalala ng problema sa unemployment sa bansa.
Maraming mas importanteng isyu ang dapat na unahin ng gobyernong
ito, kalimutan na ang term extension.
|