Nabigo ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board
(LTFRB) na desisyunan ang petisyon ng iba’t ibang transport
groups hinggil sa pagbabalik ng minimum na pamasahe sa P7.50.
Sa ginanap na public hearing kahapon, mismong ang mga lider ng transport
groups ang nagtalu-talo hinggil sa kung magkano ang kanilang ihihirit
na dagdag singgil sa pamasahe sa Metro Manila at sa Regions 3 at
4.
Sinabi ni George San Mateo, secretary general ng Pinagkaisang Tsuper
at Opereytor Nationwide (Piston) na naiintindihan nila ang pangangailangang
pagpapatupad ng panibagong fare hike subalit tutol aniya sila sa
nilalaman ng petisyon ng grupong Alliance of Concerned Transport
Organizations (ACTO).
Ayon kay San Mateo, dapat magkaroon muna ng malawakang konsultasyon
sa lahat ng grupo ng transportasyon at mga commuters sa bansa upang
makabuo ng uniformed fare increase.
Bunsod nito ay binigyan ng LTFRB ng sampung araw ang mga grupong
tumututol sa petisyon ng ACTO para ihayag ang kanilang panig.
Sampung araw din ang ibinigay kay Efren de Luna, pangulo ng ACTO
para isumite ang kanilang tugon sa mga argumentong inilantag
ng mga kumokontra sa kanyang petisyon.
Magugunitang naghain ng petisyon ang ACTO sa LTFRB na humihiling
ng pagbabalik ng P7.50 minimum fare sa mga pampasaherong jeep mula
sa kasalukuyang P7.00 dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong
petrolyo.
|