|
Desidido ang mga organizer at makikibahaging sektor na siguruhing
magiging mapayapa at maayos ang kaliwa’t kanang anti-Charter
change (ChaCha) via Constituent Assembly (ConAss) upang hindi mapasukan
ng mga elementong ang puntirya ay isabotahe ang mga anti-ConAss
at anti-ChaCha protests.
Ang pagpapaigting ng bantay-rally ay isusulong ng mismong mga demonstrador
sa gitna ng inilutang na pangamba ng Catholic Bishops Conference
of the Philippines (CBCP) na posibleng itawid ng kasalukuyang gobyerno
sa Martial Law ang tensyunadong sitwasyon kung magkakaroon ng kaguluhan
o karahasan sa alinmang mga pagkilos na ito.
Kahapon ay inayunan ng tatlong kongresista ang pangambang ito sa
pagsasabing hindi talaga malayong mangyari ito lalo’t ang
Martial Law ay isang siguradong paraan ng pananatili sa kapangyarihan
ng mga nakaupo na siya ring nakikitang tanging motibo sa likod ng
ipinipilit na ChaCha via ConAss.
Ngunit tinitiyak si Anakpawis partylist Rep. Joel Maglungsod na
kung magkakaroon ng kaguluhan sa idaraos na anti-ConAss rally sa
Miyerkules sa Ayala, Makati City na kanilang lalahukan ay walang
dudang ‘pakawala’ ng pamahalaang Arroyo ang pagmumulan
nito.
“Wala namang ibang gagawa niya kundi ang Palasyo ng Malacañang
dahil sila lamang may kakayahan na pigilin ang taumbayan na nais
magpahayag ng kanilang pagkontra sa kanilang maitim na balakin,”
ani Maglungsod.
Sinabi naman ni Nueva Ecija Rep. Edno Joson, na possible ngang magdeklara
ng Martial Law si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kapag nagkaroon
ng kaguluhan sa gagawing kilos protesta ng mga grupong kontra ChaCha.
“Puwedeng guluhin iyan ng Malacañang para may rason
sila na madeklara ng Martial Law. Hahayaan lang silang magsagawa
ng protesta, pero may bitag na nakahanda ang gobyerno diyan na mauuwi
sa pagdeklara ng Martial Law,” pahayag ni Joson sa Abante
kahapon.
Ayon naman kay Bukidnon Rep. Teofisto Guingona III, mas delikado
umano ang pagdaraos ng malakihan o malawakang pagkilos dahil diyan
makakakuha ng oportunidad ang gobyerno para guluhin ito at magdeklara
ng state of emergency.
“Kapag nagdeklara ng state of emergency, it will be a preclude
to Martial Law. Baka kapag nagkaroon ng isang pagsabog lang sa rally
eh magdeklara na sila ng Martial Law. Posibleng umupa na lamang
sila,” giit pa nito.
Pro-ConAss solons magsisiatras
Bilang reaksyon naman, sinabi ni Quezon City Rep. Mathias Defensor
ng Lakas-Kampi CMD at isa sa mga pumabor sa ConAss, na handa niyang
iurong ang pagsuporta sa panukala kung talagang lilikha ito ng kaguluhan
at pagkakahati-hati sa bansa.
“Kung talagang magkakagulo naman tayo, handa naman akong umurong
sa proposal na ito kasi hindi naman mababayaran ng gaano man kalaking
halaga ang pagkakaisa ng bansa,” ani Defensor.
Bukod pa sa gulong posibleng idulot kung ipipilit ang ConAss, naniniwala
si Guingona na natatakot na rin ang mga mambabatas na alipores ni
Arroyo sa magiging hatol sa kanila ng sambayanan sa nalalapit na
eleksyon.
|