|
Tiniyak ni incoming President Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na bibigyan niya ng patas na laban si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kapag sinampahan ito ng patung-patong na kaso, kasunod ng kanyang paglisan sa Malacañang.
Ayon kay Aquino, makakaasa ng due process ang pamilya Arroyo at hindi masasalaula ang karapatan ng bawat isa, anuman ang kasong kahaharapin sakaling meron magsampa ng reklamo.
“As I did promise, we have to protect everybody’s rights and the true testament of a democracy, I hate to sound like a broken record, is the ability to defend the rights of your enemies,” ani Aquino.
Lahat ng due process at karapatang naaayon sa Saligang Batas, ito’y ipagkakaloob umano ni Aquino sa sinumang kapamilya ni Mrs. Arroyo na makakasuhan kapag nawala sa poder ang mga ito.
“At this point in time we will make sure all the due processes are observed, all rights are religiously acknowledged and protected,” paglilinaw ni Aquino.
Bagama’t tiniyak ang pagkilala sa karapatan at due process, walang magagawa ang sinumang miyembro ng Arroyo family kapag nakitaan ng matibay at solidong ebidensya laban sa mga ito.
Noong mga nakaraang linggo, isa-isang inaabsuwelto ng Ombudsman ang pamilya Arroyo sa mga nakabinbing kaso, pinakahuli ay sa pagkakadawit ng First Couple sa Broadband scandal na naunang inimbestigahan ng Upper House.
“But at the end of the day if the evidence points to certain directions, prosecutions will have to happen,” pagtitiyak ni Aquino.
Kaugnay nito, mayroon naman umanong nakatagong bala si Pangulong Arroyo hinggil sa umano’y nagbabadyang kaliwa’t kanang kaso laban dito sa oras na bumaba sa puwesto sa Hunyo 30.
Ito ang ipinahiwatig kahapon ng Malacañang matapos igiit na nakakatiyak sila na pinag-isipan at pinagplanuhan na ni Pangulong Arroyo ang mga hakbangin nito sa oras na bumaba sa puwesto at tadtarin ng kaliwa’t kanang kaso ng kanyang mga kritiko, kabilang na rito ang tungkol sa maanomalyang NBN-ZTE deal.
Napag-alaman mula sa ilang palace insiders na kinonsulta na ni Pangulong Arroyo ang kanyang legal team sa nasabing senaryo at pinaghahanda na rin umano ang mga sangkot na personalidad at ahensya ng mga kaukulang dokumento na siyang magiging ebidensya sakaling may maghabla ng kaso hinggil sa nasabing anomalya. Matatandaang Executive Secretary ngayon ni Arroyo si Sec. Leandro Mendoza na dating kalihim ng Department of Transportation and Communications at nakaladkad din sa usapin bagama’t naunang nilinis ng Ombudsman.
Hindi naman madetermina agad kung kasama sa mga pinaghanda na si Social Security System chairman Romulo Neri na minalas na kasama sa mga akusado sa maanomalyang kontrata kahit na inabsuwelto na ng Office of the Ombudsman hinggil dito ang First Couple.
Samantala, sinabi naman ni deputy presidential spokesman Rogelio Peyuan na kahit ano pa man ang mangyari ay buo ang loob ni Pangulong Arroyo sakaling habulin ito ng kanyang mga kritiko pagbaba nito sa puwesto.
|