 |
Naligo ka na ba sa ilog ng basura? ‘Di alintana ng mga batang ito na kahit napapaligiran ng basura ang pinaglalanguyan nila sa baybayin ng Manila Bay ay patuloy pa rin sila at enjoy sa pagligo sa kabila ng nakaambang panganib at sakit. (Art Son)
|
Sugatan ang tatlong lalaking magkakaibigan makaraang pagbabarilin sila ng hindi pa kilalang grupo habang naglalakad pauwi kamakalawa ng gabi sa bayan ng Pio V. Corpuz sa lalawigan ng Masbate.
Ang mga biktima na kasalukuyang ginagamot sa Placer Emergency Hospital sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan ay nakilalang sina Cyril OiIchea, Marjon Nogus at isang nakilala lamang sa alyas na Barok, pawang nasa hustong gulang at residente ng barangay Guindahawan ng nasabing bayan.
Sa ulat, naganap ang insidente pasado alas-siyete ng gabi habang naglalakad, pauwi na sa kanilang bahay ang mga biktima sa barangay Guindahawan ng bigla na lang sumulpot ang hindi pa mabatid na bilang ng mga suspek na nakasakay sa isang kotse at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga ito.
Matapos ang pamamaril ay mabilis ding umalis ang mga suspek patungo sa kabilang barangay at iniwan ang mga biktimang duguan sa kalsada.
Nasaklolohan naman ang mga sugatan ng mga residenteng malapit sa lugar ng pinangyarihan at siya ring tumawag sa awtoridad na agad rumesponde.
Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya kung sino ang mga suspek na responsable sa pamamaril at kung ano ang motibo ng mga ito.
|