|
THERE they are, sina Enrico at Melanie sa aisle ng parking area, maromantikong magkayakap habang ang isang kamay ng binata ay banayad na nakapisil sa pigi ng dalaga.
Paulit-ulit na marahang pisil iyon na tumagal marahil ng dalawampung segundo, maikli lang nang kaunti sa kanilang halikan na kalahating minuto naman ang inabot.
Pareho silang napasinghap matapos iyon. Sabay ding napabuntunghininga na akala mo ay kapwa may panghihinayang.
Dahil ba tapos na ang masasarap na sandali?
Dahil ba natuldukan na nila nang ganap ang kanilang pagbi-break-up?
Nakayukong nagsalita si Enrico, ang kaarogantehan ay hindi lumutang. “Tutuparin ko ang sabi ko, Melanie. Hindi na ako pakikita sa iyo. Magiging payapa na ang buhay mo.”
Hindi umiimik ang dalaga. Sa isip lamang sinabi ang hindi kayang sabihin kay Enrico. “Gago ka, hindi mo man lang inalam kung gusto ko nga ito. Paano kung ang puso ko naman pala ang mahihirapan…?”
“Pakisabi sa tatay ko na stepfather mo, salamat.”
“Salamat saan?” tanong ni Melanie. Hindi alam ng dalaga na si Don Pedro ay nagkaloob kay Enrico ng limang milyong piso bilang huling bigay sa anak na iresponsable.
“Huwag mo nang alamin. Kuwan, ingat sa pagmamaneho. Mukhang uulan, madulas ang…”
“Go, Enrico. Tapos na tayo.” Ayaw na ni Melanie na lumigoy pa ang usapan, takot na mahahalata na ng binata ang tunay niyang damdamin.
Tumalikod na ang binata, bagsak ang mga balikat, yuko ang ulong nagbalik na sa kotse.
Gaya rin ba niya itong tutol sa kanilang tuluyan nang paghihiwalay?
“Ikaw din…ingat, Enrico.” Halos bulong lang ito ni Melanie. Tuluyan nang palayo ang binata, sakay ng lumang kotse.
“Hu-hu-hu-huuu.” Siya na pala ang humahagulgol, naunawaan ni Melanie. Ngayon pa lang pala ay nami-miss na niya ang lalaking hindi na dapat mahalin.
Habang sakay na rin ng kotse, pauwi, ay nagbabalik sa diwa ni Melanie ang mga naganap sa nagdaang dalawang oras.
Siya nga ba ang babaing nagpakatanga na naman? Sumama siya kay Enrico sa motel, pagbibigay sa kahilingan nitong mag-break up sex sila. Tuldok daw sa pormal nilang paghihiwalay.
Alam ba ng lalaking ito na nakapitong ulit na sila ng bawal na pagniniig? At ito ba ay ano ang damdamin sa kanya?
Bakit kailangan pang mag-imbak ng mga alaala mula sa kanya? Kanina lang ay humirit pa--humingi ng huling halik sa mga labi; humiling din na mapisil siya sa pigi. “Minahal mo rin ba ako, Enrico?” (ITUTULOY)
|