|
GAPAN CITY, Nueva Ecija --- Kinailangang putulin ang kaliwang paa ng isang barangay captain makaraang magkagutay-gutay nang masabugan ng granadang itinanim sa ilalim ng kanyang kotse noong Biyernes ng gabi sa Ramos St. Sityo Maisan, Bgy. Sto Niño sa lungsod na ito.
Batay sa ulat ni P/Supt. Ric Villanueva, sa tanggapan ni P/Sr. Supt. Ricardo Marquez, Nueva Ecija police director, nakilala ang biktima na si Rudy Valle Diaz San Jose, 45-anyos, kapitan ng Bgy. Sto Cristo Norte, na nagtamo rin ng sugat sa kaliwang braso.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Gregorio Peñamante, dakong alas-10:30 ng gabi, kasasakay lang ni San Jose sa kanyang kotseng KIA Rio (RGP-617) at paandarin pa lang ito nang biglang sumambulat ang granada, batay umano sa 10 piraso ng fragmentation grenade na narekober sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon naman kay PO2 Kelly Redondo, kagagaling lang umano ng biktima sa tahanan ni Sangguniang Kabataan Chairman Anabel Jose na kanilang inanyayahan upang magbigay ng kaukulang impormasyon sa pangyayari.
|