“Parang ginang-rape nila ang ating Constitution.”
Ito ang reaksyon ni Nueva Ecija Rep. Edno Joson sa mga miyembro
ng mayorya matapos madaliang ipasa kahapon ng madaling-araw ang
kontrobersyal na House Resolution (HR) 1109 na may layong mag-convene
ang Kongreso bilang isang constituent assembly para baguhin ang
Konstitusyon.
“It’s like a woman fighting of a rapist. Hindi lang
ang ating Constitution ang ginagahasa kundi pati ang taumbayan,”
ayon sa text message ni Joson.
Kinatigan naman ni Fr. Joaquin Bernas ang pahayag ni Joson na ang
ginawang hakbang ng mga mambabatas ay maihahalintulad sa ‘gang
rape’ ng Konstitusyon.
Bunsod nito sinabi ni Bernas, na naging miyembro ng 1986 Constitutional
Commission at ngayon ay dean emeritus ng Ateneo Law School, na dapat
magalit ang taumbayan sa ginawa umanong pangga-’gang rape’
ng mga mambabatas sa Kamara sa Konstitusyon nang ipasa nito ang
ConAss kahit pa man wala ang pag-apruba ng Senado.
Ani Bernas, dapat nang umalma at magalit ang publiko dahil pinaglalaruan
na lamang ang Konstitusyon.
“Kasi pinaglalaruan na nila ang Saligang Batas at pinaglalaruan
na nila ang tao,” pahayag ni Bernas sa isang radio interview.
Binatikos din ng mga senador ang mga kongresistang nagpuyat at naglamay
upang puwersahang ilusot ang nasabing resolusyon at tiniyak na hindi
nila aaksyunan ito.
Direktang inakusahan ni Senador Francis Escudero na manhid ang mga
dating kasama sa Kongreso dahil ipinagpipilitan ang ConAss gayong
maraming priority bills na nakabinbin.
Uupuan ng Senado
Kahit ipinasa na sa Kamara ang panukala para sa pagbuo ng ConAss
na siyang magsususog sa 1987 Constitution, malamang na tulugan lamang
kundi man patayin sa Senado ang panukalang ito.
Ito ang ibinigay na hatol ni Senate President Juan Ponce Enrile
sa magiging kapalaran ng House Resolution 1109 oras na umakyat na
sa kanilang kapulungan ang nasabing resolusyon.
Ayon kay Enrile, hindi na muna papansinin ng Senado ang nasabing
resolusyon dahil huling araw na ng sesyon nila kahapon kung saan
papasok na sila sa mahabang bakasyon bago bumalik sa huling Lunes
ng Hulyo.
Hindi rin mapipilit ang Senado na mag-extend ng kanilang sesyon
hanggang Biyernes para atupagin ang nasabing resolusyon. Kung mag-a-adjourn
ang Senado ng Miyerkules, hindi na rin maaaring makapagsagawa ng
sesyon ang Kamara sa Huwebes o Biyernes dahil sa ilegal na ito,
ayon sa Senate President.
Sa ngayon, ang HR 1109 ay ibibigay lamang niya sa Senate committee
on constitutional amendments, revision of codes and laws kung saan
duda si Enrile na baka dito na ito matulog.
“It might slip the sleep of the dead in that committee,”
ani Enrile.
Idinagdag pa nito na kung tutulugan sa Senado ang ConAss resolution,
hindi maaaring iakyat ng Kamara sa Supreme Court (SC) ang usapin
dahil sa wala namang “justiciable controversy”.
“There’s no issue that can be raised before the Supreme
Court. They can do their thing, they can convene themselves but
who cares,” pagdidiin pa ni Enrile.
Bawang vs ConAsswang
Samantala, namigay ng bawang si Sen. Mar Roxas sa kanyang mga kasamahan
sa Senado bilang pangontra ConAss.
Tinawag ni Roxas ang inaprubahang resolusyon ng Kamara bilang “ConAsswang”
kung kaya’t marapat lamang na tapatan ito ng bawang tulad
ng ginagawa nila sa kanilang probinsya sa Capiz kapag may banta
ng aswang.
Sa kanyang pagtayo sa bulwagan ng Senado upang batikusin ang pagpapatibay
ng Kamara sa House Resolution No. 1109, nagsuot ng garland na bawang
ang senador upang ipakita ang matinding pagkontra nila sa ChaCha.
Protesta iniumang
Samantala, isang malawakang kilos-protesta kontra ConAss ang ilulunsad
ng iba’t ibang militanteng grupo sa pangunguna na rin ng United
Opposition (UNO).
Ito ang napagkasunduan sa ipinawatag na emergency meeting kahapon
ni UNO president Jejomar Binay sa Makati City Hall.
Dumalo sa pulong ang grupong Gabriela, Bayan, KMU at iba pang kinatawan
ng ilang mga cause-oriented group gayundin si NBN-ZTE star witness
Jun Lozada.
Sinabi ni Binay na sisimulan nila ngayong linggo ang pagkilos upang
kondenahin ang ConAss.
Ani Binay, “ginagagu-gago tayo. ‘Yan naman ho ay mandosita
ni Mrs. Arroyo ‘yan.”
Maging ang mga progresibong mambabatas sa Kamara at civil society
groups ay kinondena rin ang nasabing hakbang at nagpahayag ng kanilang
suporta sa mga gagawing kilos-protesta laban sa ConAss.
Sinabi naman ni Bukidnon Rep. Teofisto Guingona na sobra ang ginawang
pambababoy ng mga alipores ni Pangulong Arroyo sa ating Konstitusyon
dahil sa pagbabalewala ng mga ito sa parliamentary rules ng Kamara.
“Sila ang lumalabas na nakakahiya dito dahil binaboy nila
ang parliamentary rules,” ani Guingona.
Ayon naman kay Gabriela partylist Liza Maza, dahil sa pag-railroad
ng ConAss resolution, muling madadagdagan ang galit ng taumbayan
sa administrasyong Arroyo.
Sinabi naman ni Akbayan partylist Rep. Risa Hontiveros, maaaring
mabiyak ang administrasyon hindi lamang sa bigat ng dalawantg trapong
partido, Lakas-Kampi-CMD, kundi dahil na rin sa pambabastos sa Konstitusyon.
|