|
Patay na ang dalawang bata nang makuha ang mga ito mula sa mga tipak ng gumuhong lumang eskwelahan kamakalawa sa bayan ng Sapad, Lanao del Norte.
Walong iba pang bata ang masuwerteng hindi nadaganan ng mga tipak ng semento subalit nagtamo ang mga ito na sugat sa katawan.
Kinilala ng Sapad Police ang mga nasawing sina Pilo Quilalang, 13 at Cherrymae Ramah, 12, kapwa estudyante ng Sapad Central Elementary School.
Sa imbestigasyon, hindi na ginagamit ang lumang gusali, subalit dito naglalaro kadalasan ang mga bata.
Ayon sa pulisya, naglalaro ang mga bata sa loob ng gusali dakong ala-una ng hapon nang bigla itong gumuho.
Nakatakbo namang palabas ang ilan sa mga bata bago pa man sila tamaan ng mga tipak ng semento.
Sinasabing bumubuhos ang malakas na ulan nang maganap ang pagguho.
|