|
May kinakaharap na security threat si Pangulong Benigno Aquino III kung kaya higit pang hihigpitan ng Presidential Security Group (PSG) ang seguridad nito, bukod pa sa nakatakdang paglipat nito sa kanyang official residence sa Bahay Pangarap compound sa Malacañang Park ngayong weekend.
Inamin ni PSG Chief, Col. Ramon Mateo Dizon na may kinakaharap na security threat ang Pangulo ngunit ito umano ay hindi seryoso at hindi naman isang “major security threat” bagama’t tumanggi ito na kilalanin kung sinu-sinong grupo ang nasa likod nito.
Ayon kay Dizon, hindi maaalis na magkaroon ng banta sa seguridad ni Aquino lalo na’t “popular President” ito at masyadong accommodating sa publiko.
Sa kabila nito, wala umanong plano si Aquino na bawasan ang madalas na pakikipag-photo-ops sa kanyang mga tagahanga, hindi paggamit ng wangwang at titigil pa rin umano ang presidential convoys sa red light ng trapiko, mga bagay na ikinu-kunsiderang matinding “security concerns” ng PSG.
Tiniyak naman ni Dizon na sila na lamang ang mag-aadjust kay Aquino lalo na’t ayaw naman umano ng Punong Ehekutibo na mapalayo ito sa masa o matigil ang magandang ehemplo nito sa pagsunod sa batas-trapiko.
Samantala, inilarawan ni Dizon na ipinatutupad na nila ang “target hardening” sa pagbibigay ng seguridad kay Aquino ngayong lilipat na ito sa Bahay Pangarap compound kung saan maging ang Philippine Coast Guard umano ay magbibigay ng dagdag na tauhan sa palibot ng Ilog Pasig kung saan malapit ang official residence.
Magpapatupad naman umano ng maximum tolerance ang PSG sa mga raliyista na nais na mag-rally malapit sa official residence.
Napag-alaman na dumaan sa renobasyon ang Bahay Pangarap ngunit mananatili umano itong simple ayon na rin sa panlasa ni Aquino kung saan may silid ang Pangulo, bukod pa sa isang guest room at silid ng mga kasambahay tulad ng mga tagapagluto at tagapangasiwa ng official residence.
Nauna rito, ibinunyag ni Presidential Security Group chief Col. Mateo Dizon na posibleng ngayong weekend na tumira sa Bahay Pangarap compound si Pangulong Aquino ngunit hindi pa nito masabi ang eksaktong araw, ngunit tiniyak na ito ay bago ang Agosto 2 dahil hindi umano ito tugma sa feng shui.
|