|
Dahil alam na hindi sila makakasuhan at makukulong, mistula namang inabuso ng mga menor-de-edad ang kanilang karapatan tulad na lang ng tatlong bagets na kalalakihan na naaresto matapos pagnakawan ng sapatos ang bahay ng isang sundalo ng Philippine Navy sa Pasig City, kahapon ng madaling-araw.
Bagama’t mga menor-de-edad ay pormal pa ring ipinagharap ng reklamo ng biktima na si Sgt. Felix Poral y Macaraig, 47, ng Dr. Sixto Antonio St., Bgy. Maybunga, ng nasabing lungsod.
Pawang arestado naman ang tatlong menor-de-edad na kinabibilangan ng isang magkapatid na sina alyas Ted 15, at Toffer 16 at Rey 15, pawang mga residente ng Suarez St., Bgy. Maybunga, Pasig City.
Ayon sa imbestigasyon ni PO2 Emilton Ladisla, ng Station Investigation Detective Management Branch (SIDMB) dakong alas-tres ng madaling-araw nang pasukin umano ng mga suspek ang bahay ni Sgt. Poral at kinuha ang sapatos nitong kulay itim na balat.
Matapos makuha ay lumipat umano ang mga suspek sa bahay ng isang Carlota Santiago, 29, supervisor ng isang call center na halos tapat lang umano ng bahay ni Sgt. Poral.
“Nagising po kami dahil mayroong mga kaluskos na naririnig, nakaakyat na po sila sa ikalawang palapag ng bahay at nasira na rin nila ang jalousie glass ng bintana namin,” pahayag ni Santiago.
Sa puntong ito ay mabilis na tumawag ng Barangay Security Force (BSF) si Santiago at agad namang nagresponde si BSF Joselito Ruiz, kung kaya’t nahuli sa akto ang tatlong mga suspek at nakuha sa kanila ang sapatos ni Sgt. Poral.
|