|
Dear Atty. AGA,
Isang mapagpalang araw po sa inyo Atty. AGA. May nais po sana akong ikonsulta sa inyo tungkol sa lupang nakagisnan ko na po rito sa lungsod ng Quezon.
Kami po ay kasalukuyang nakatira sa isang lupaing hindi naman namin pagmamay-ari. Ito po ang kinalakihan ko na lugar. Ang sabi po sa akin ni nanay, sa tuwing magtatanong ako kung sa amin ang bahay na ito, sinasagot niya lang po ako na sa amin na ito.
Subalit wala po kaming pinanghahawakan na titulo o anumang dokumento na magsasabing sa amin nga po itong lupang kinatitirikan ng aming bahay. Nadinig ko nga sa programa ninyo Atty. na dapat may ebidensya kami para sabihin na sa amin nga ang lupang ito. Hindi naman po ito kalakihan at mahigit sampung taon na po naming inookupahan ang loteng ito. Sa katunayan po ay dito ipinanganak ang aking nanay at dito ko na rin po isisilang ang aking magiging anak.
Atty., ano po kaya ang maaari naming gawin upang magkaroon kami ng maaaring panghawakan na dokumento na magsasabing sa amin na talaga ang lupang kinatitirikan ng aming bahay? Hindi po namin alam kung saan makakuha o mag-a-apply ng dokumentong panghahawakan namin na magiging katibayan na kami na nga ang nagmamay-ari nito.
Gumagalang,
Mila
Mila, may bagong batas tayo kung saan ang mga kagaya mong nag-ookupa ng isang lupain na hindi naman kalakihan sa loob ng sampung taon o mahigit pa ay maaari ng mag-apply para sa Free Patent Title under Republic Act 10023 o An Act Authorizing The Issuance of Free Patents To Residential Lands.
Ito ay naisabatas lamang noong March 09, 2010.
Ayon sa Section 1 ng nasabing batas, ang sinumang Filipino citizen na aktwal na nag-ookupa ng isang residential na lupa ay maaaring mag-apply para sa isang Free Patent Title. Dapat ang lupang pinag-aaplayan mo for Free Patent Title ay hindi kailangan for public service and/or public use. May limitasyon din ang sukat ng lupang maaari mong i-apply for Free Patent Title, depende ito sa lokasyon ng nasabing lupa. Ang batas na ito ay para lamang sa lupain na kinokonsiderang residential.
Ang aplikasyon mo ay dapat na suportado ng mga dokumento gaya ng mapa base sa aktwal na surbey na ginawa ng isang lisensyadong geodetic engineer at aprobado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), teknikal na deskripsyon ng lupang inaaplayan mo ng isang Free Patent Title, dalawang sinumpaang salaysay ng dalawang (2) hindi interesadong tao na residente ng barangay o munisipalidad kung saan matatagpuan ang lupa. Nakasaad sa sinumpaang salaysay na ito na ang aplikante ang siyang nag-ookupa ng tuluy-tuloy at walang interbal sa lupang inaaplayan ng Free Patent Title, sa loob ng sampung (10) taon.
Agad ka ng mag-apply para sa Free Patent Title sa opisina ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) na matatagpuan sa opisina ng DENR sa inyong lugar. For your information, then Secretary Horacio C. Ramos issued DENR Administrative Order No. 2010-12 last May 05, 2010 giving the Rules and Regulations for the Issuance of Free Patents to Residential Lands under Republic Act No. 10023.
We would like to acknowledge our good friend, Toti Chikiamco, an advocate of property rights as a major factor in economic development and environmental conservation, for giving us the necessary materials concerning the new law. He was the one who led the team that successfully lobbied for it in Congress. Kudos to you, Toti.
***
Kung kayo ay may mga bagay na nais malaman o problemang nais na idulog, maaari kayong magsadya o sumulat sa aming tanggapan sa DZXL RMN MANILA sa Guadalupe Complex, 4th Floor, Guadalupe, EDSA, Makati City. Patuloy rin tayong makinig sa ating radio program, ITO ANG BATAS WITH ATTY. AGA, Lunes hanggang Biyernes, 6:00-7:30 pm, RMN Manila sa 558 khz. Pwede ring mag-email sa arellanoaga@yahoo.com o mag-text sa cell phone number (0918) 904-6867.
Lagi po nating tandaan, ITAGUYOD NATIN ANG LAKAS NG ATING BATAS
|