|
May isang batang medyo madilim ang pinagdaanan sa buhay. Nu’ng mga limang taong gulang pa lamang siya ay muntik na siyang molestyahin nang todo ng sarili niyang pinsan. Papasok sa trabaho ang ina ng bata kaya iniwan muna ito sa lola. E tiyempo namang nandoon din nu’ng mga oras na iyon ang teenager na pinsang lalaki.
Nang makalingat nang kaunti si Lola, tinawag ng teenager ang bata sa isang sulok ng hardin (du’n sa medyo tago at hindi nakikita). Ang bata naman, kumakabog ang dibdib sa takot pero wala itong magawa kundi sumunod.
Nagsindi ng lighter ng sigarilyo ang teenager.
“Nakikita mo ito?” sabi ng teenager sa bata, gamit ang isang boses na nagbabadya ng panganib.
“Opo,” nanginginig na sagot ng batang babae. Nangilid na ang luha at nagbantang pumatak sa mukha nang walang puknat.
“Kapag hindi mo sinunod ang sinasabi ko, palalakarin ko ang apoy nito sa braso mo. Kaya’t susunod ka ba sa ‘kin o hindi?”
Sindak na tumango nang tumango ang bata. Hindi na ito nakapagsalita. Kaya’t habang humihiyaw sa takot ang kanyang murang isipan ay sinimulan nang isakatuparan ng mala-demonyong pinsan ang kanyang maitim na balak. Pinaghahalikan na nito ang bata sa labi, at malamang ay balak pang gumawa ng mas kahindik-hindik na bagay kung hindi lamang naputol ng malakas na tinig ni Lola ang kanyang mga akto. Sandaling natigilan ang teenager at ginamit na ng bata ang pagkakataong iyon para makatakbo papunta sa kanyang lola.
“Saan ka ba nagtago? Kanina pa kita hinahanap. O, bakit? Bakit ka nanginginig?”
“Wala po, Lola, wala po. Basta’t dito lang ako sa tabi n’yo. Hindi na po ako aalis dito.” At pagkabigkas niyon ay mahigpit na hinawakan ng bata ang laylayan ng daster ng kanyang lola, na para bang gusto na lamang nitong magpatali roon magpakailanman.
Ang teenager na salot ay aali-aligid sa dalawa, patingin-tingin nang masama sa bata.
“O, ano’ng ginagawa mo riyan?! Napakatamad mong bata ka. Hala! Kumuha ka roon ng walis at walisan mo ang buong paligid. Naalibadbaran ako sa iyo! Ang laki-laki mo na pero wala ka pa ring maitulong! Tamadot!”
Salamat kay Lola, salamat sa anghel na nagbabantay kay Bunso, at salamat nang matindi sa Panginoong Jesu-Cristo. Nakaalpas si Bunso mula sa mga kuko ng gutom na leon.
Ilang taon pa ang lumipas at lumaki ang bata, nakapagtapos ng pag-aaral, nag-asawa, nagkaanak.
Nakilala niya nang personal ang Panginoong Jesus sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, kaya’t nakita niya sa kanyang sarili ang pagbabagong hindi magagawa ng karaniwang tao lamang.
Nawala ang takot niya sa dilim; isang takot na dala-dala niya mula pagkabata.
Nawala ang takot at galit niya sa pinsang minsan ay muntik na siyang lurayin. Natutunan niyang patawarin ito at kahabagan. Alam niya ang malagim na kahihinatnan ng pinsan kapag ito’y hindi nagsisi at tumalima sa Diyos.
Natuto siyang magmahal ng mga batang naligaw ang landas dahil sa mga problemang pangpamilya.
Lagi niyang naaalala. Siya’y minsang naging bata rin, at kahit pa masasabing may edad na, ang batang iyon ay naroroon pa rin sa kanyang kalooban.
Naramdaman niya ang tunay na pag-ibig ng Diyos, kaya’t sa bawat araw ng kanyang buhay ay nagsisilbi siya sa Panginoon at nagmamahal din.
Bagong buhay, bagong pag-asa para sa isang batang minsan ay binalot ng dilim ng pag-iisip; walang iba kundi ang makapangyarihang Espiritu ng Diyos ang may gawa ng himalang iyon.
Kaibigan, matanong kita. Ano ang kalagayan mo ngayon sa buhay? Mayroon ka bang kinatatakutan?
May mapait na nakaraan ka bang pilit mong gustong makalimutan pero ayaw umalis sa isipan mo?
Nakagapos ka ba ngayon sa galit at paghahangad na makapaghiganti sa mga taong nanakit at nang-api sa iyo?
Makinig ka sana. Ang Panginoong Jesus ay laging nag-aabot ng Kanyang kamay sa sinumang nalulunod sa dagat ng kasalanan. Hangad Niya ang kaligtasan mo at kapayapaan ng iyong isip. Walang ibang makapagbibigay ng kapayapaang iyon sa iyo kundi si Jesus lamang. Kaya’t sana’y mahanap mo sa iyong puso ang isang hangaring makilala Siya, hanapin Siya, at sambahin Siya sa paraang itinalaga Niya. Nais ng Diyos na sambahin natin Siya sa espiritu at katotohanan (Juan 4:24).
“Sapagkat hindi ibinigay sa inyo ng Diyos ang Espiritu upang kayo’y gawing mga aliping namumuhay sa takot. Sa halip, ibinigay sa inyo ang Espiritu upang kayo’y gawing mga anak ng Diyos… At yamang mga anak, tayo’y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo.” (Roma 8:15,17)
Magandang araw sa iyo, shalom, at God bless!
|