|
Deadma muna tayo sa SONA na iyan
Dahil marami nang nagdudunung-dunungan
Ang nagpipista sa topic na iyan
Umatras tayo sa usapin ng wangwang
Kumambyo at i-quinta nang todo
At itahi natin sa isyu ng mga buwang sa kanto
Wangwang? Buwang? Magkamag-anak na isyu?
Aba eh ‘di lang medyo, sakto!
Kung parang nag-flush at sumigaw ng success
Si Pangulong Noynoy Aquino sa kauna-unahan niyang marching orders
Na baklasan ng wangwang ang mga hari ng kalye
Eh wala akong nakikitang mali
Kung irarampa ‘yung mga talagang pasaway sa kalye
Ang tinutukoy ko po ay ang mga driver ng pampasaherong bus, taxi, tricycle at jeepney!
Silang mga ubod ng talino at genius na nagsasabing
Ang ‘di raw paggamit ng headlights sa gabi ay mainam gawin
Upang makatipid sila sa enerhiyang kinakain
Ng kanilang mga baterya! Ang galing, amf!
Mga drayber na ganito ang gawain!
Bakit ‘di iyung inyong mga anak ang inyong tanungin
Kung tama ba itong inyong nakaugaliang gawin
Baka kayo ay kanilang sagutin
Umalis ka nga sa harap ko Tay! Nakita mong nag-aaral ako eh
Itutulad mo pa ako sa inyo... Baka tadyakan kita diyan eh!
Aba! eh dapat ata eh mag-charge na ng lowbat na kukote
Ang mga kapatid nating ang hanapbuhay ay sa kalye
Dahil ilang driving experts ang nakunan na natin ng motoring tips
Na wala pong kaugnayan ang pagpatay ng headlights
Para sa baterya kayo ay makatipid!
Nu’ng una, mangilan-ngilan lang po ang tanga
Pero naglaon eh dumami na sila
Pasensya na kayo dahil nakakapikon na talaga
Ilang buhay pa kaya ang ilalagay nila sa peligro
Dahil sa isang nakasanayang gawain daw ng matatalino!
Huwag niyo sanang paabutin pa sa sitwasyon
Na ang anak ninyo na naka-back ride sa tricycle
Ang tumilapon at mabasag ang bungo
Dahil tinumbok ng kapwa gagong drayber na hindi nag-ilaw!
Ang sinasakyan nitong tricycle.
Minsang nang inobserbahan ng aking team
Ang kahabaan ng Commonwealth Avenue
Pinaandar ang aming camera at idinukomento
Ang walang habas at disiplinang pagmamaneho
Ng magigiting nating drayber, ano po!
At bukod sa isanlibong iling at tsk! na aming reaksyon
Natatawa na lang kami sa aming obserbasyon
Hindi na kami nagulat sa walang ilaw na mga jeep
Manhid na ang mga iyan sa murang inaabot sa mga nakapaligid
Wala na ring pakiramdam ang mga iyan na unti-unti nang nawawala
Ang kakaunting dangal ng kanilang hanapbuhay
Dahil sa kawalanghiyaan sa kalsada at sa hanap-damay
Sa nais ata nilang pagpapakamatay!
Pero ang kagulat-gulat, pati naman ten wheeler truck
Aba brownout na rin!!! Shocks!
At eto pa, nakikipagkarera sa tabi ng truck
Eh isang rumaragasang pedicab!
Hesusmaryasantisima! Wala na bang batas?
Pedicab nasa five-lane ng Commonwealth highway!
At kasunod nito ang umaarangkadang tricycle na wala ring ilaw!
Cool na cool pa ang driver habang angkas si misis
At tatlong maliliit na dyunakis!
Pare ang galing mo, isa kang henyo!
Wala sigurong katumbas na insulto
Ang tatalab sa balat mo!
Kaya sana lang, Pangulong PNoy, magpalabas ka na ng kautusan
Upang once and for all, matigil itong kahibangan
Paghuhulihin ang mga pasaway! Ikulong kung kinakailangan
Dahil kung makakasabay mo sa kalye ang mga iyan
Aysus, buti kung irespeto ka ng mga iyan
Astig! Eh wala nang batas kasi, ‘yung mobile ng pulis?
Nakaparada lang sa kung saan-saan!
Eh mas nauna pa atang mabulag ang mga alagad ng batas
Kesa sa mga headlights ng mga sasakyang kumakaripas
Kung wala silang ilaw at ang katwiran ay sira
‘Di ba may batas tayo kaugnay diyan?
Na isa man sa ilaw ng iyong sasakyan ang sira
Wala kang karapatang gumamit ng kalsada!
Wala nang siga sa kalsada dahil bawal na ang wangwang
Paano naman ang mga buwang?
Dapat din silang may kalagyan...
Sa mga kapatid nating pulis naman
Isang araw lang po ser, ma’am na inyong patunayan
Na nandiyan pa rin kayo sa tabi-tabi diyan
Magparamdam ka naman!
Tsika na, kabagang! marclogan_newskupo@yahoo.com
|