|
Islamabad --- Nagkalasug-lasog ang katawan ng karamihan sa 150 pasahero nang mag-crash ang Pakistani plane na sinasakyan ng mga ito habang nagla-landing sa Islamabad kahapon.
Ayon sa report ng pulisya, nagkalat ang mga labi ng mga biktima sa paligid ng kakahuyan kung saan bumagsak ang eroplano na isinisisi sa makapal na ulap na hatid ng malakas na buhos ng ulan.
Hanggang sa sinusulat ang balitang ito, limang katao ang kumpirmadong nasawi, samantala, lima rin ang sugatang survivors.
Ayon kay Airblue spokesman Raheel Ahmed, ang Airbus A-321 ay lumipad mula sa Karachi patungong Islamabad, kung saan mayroon itong 144 na pasahero at anim na crew.
“Apparently the cause of the crash is bad weather, but we leave that to the investigators,” pahayag nito sa AFP. “We are now preoccupied with rescue work and striving to take care of the relatives of the passengers who were on board.”
Sa kasalukuyan, abala ang rescue teams na gumagalugad sa lugar, kung saan umaasa ang mga ito na mayroon pang buhay na matatagpuan sa crash site.
“We are trying to get details about the passengers. It’s a big tragedy. It’s really a big tragedy,” pahayag naman ni Interior Rehman Malik sa Express TV.
|