Dahil sa mataas na presyo ng langis
at ng pangunahing bilihin, maraming lifestyle na ng mga Pinoy ang
nag-iba sa mga nakalipas na buwan -- ang dating pamamasyal sa mall
ay kinalimutan na at maging paghahatid sundo sa mga minamahal ay
winaglit na.
Si Teresa Ignacio, residente ng
Makati City, call center supervisor at isang single mom, ay dating
regular kada Sabado na ipinapasyal ang kanyang dalawang anak sa
mall, ito umano ang kanilang bonding dahil kapag weekdays ay abala
siya sa trabaho gayundin ay nakatutok ang kanyang mga anak sa eskuwela
ngunit ang dating “Saturday Fun” ay kanselado na umano
at ang huli nilang pamamasyal ay noon pang Mayo nang bumili sila
ng mga gamit sa paaralan.
“Hindi na kaya ng budget,
nanghihinayang na ako sa gagastusin kapag pupunta kami sa mall kaya
ang sistema ay ipinaliwanag ko sa mga bata na iwas muna sa malls
at sa bahay na lamang kami mag-bonding, ang ginagawa ko ay nagluluto
na lang ng espesyal na ulam at manonood ng DVD tape,” pahayag
ni Igancio.
Aniya, umaangal ang mga anak niya
dahil hindi na nakakapasyal sa mall ngunit kailangan umanong maghigpit
ng sinturon.
Maging si Amelia Cristobal, 22
anyos, estudyante ng La Salle University sa Taft Avenue, ay malling
din ang pagpapalipas oras, aniya, tatlong beses kada linggo silang
magkakaibigan na pumasyal sa mall kapag maaga ang uwian sa klase
ngunit ngayon umano ay hindi na nila ito magawa.
“After ng klase ay diretso
na kami sa bahay ngayon, uwian na agad kahit window shopping sa
mall ay hindi na kaya kasi ang laki ng gastos sa pagkain pa lang
at pamasahe,” paliwanag nito.
Hindi lamang ang pamamasyal ang
apektado sa lifestyle ng mga Pinoy nang sumirit sa P55 level ang
presyo ng langis at tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin,
maging ang pagiging “sweet” ng mga mag-asawa at mag-boyfriend
at girlfriend ay iba na rin.
Si Cristina Sebastian, 33, bank
employee sa Makati City ay dating hatid sundo ng asawa sa kanyang
opisina ngunit nang magmahal umano ang gasolina ay dalawang beses
na lamang kada linggo siya kung ihatid ng mister.
“Two days na lang kasi two
days na lang kung dalhin namin ang sasakyan namin, the rest of the
days ay sabay na kami mag-commute. Sabay pa rin kami pero nagkikita
na lang kami sa pila ng FX at sabay na pauwi ng Las Pinas,”
dagdag nito.
Si Aileen dela Cerna, isa ring
bank employee, ay hindi na umano sila naghahatiran na mag-asawa,
aniya, dagdag pa sa gastos kung magsusunduan kaya ang kanilang sistema
ay sa bahay na lamang nagkikita.
“Dati ay dadaanan pa niya
ako at sabay na umuwi. Kapag sabay kami ay lagi pa kami napapameryenda
bago umuwi na dagdag pa sa gastos. Para makaiwas meryenda pa at
matipid na lang ang budget ang strategy namin ay sa bahay na lang
kami magkita, sari-sariling biyahe na lang pauwi ng bahay,”
ani pa ni Dela Cerna.
Ang mag boyfriend at girlfriend
na sina Annabelle at Paul, pawang estudyante ng Emilio Aguinaldo
College ang umaming hindi na rin sila madalas mamasyal, anila, kapag
uwian ay diretso na sila sa kani-kanilang bahay at wala nang hatiran
at madalas ay sa landline telephone na lamang sila nag-uusap.
“Tumaas ang lahat ng bilihin
pati pamasahe pero hindi naman ang baon namin, kaya wala nang extra
pa na budget para sa gimik. Mag-boyfriend pa rin naman kami kahit
wala nang nood ng sine o pasyal sa mall. Ang importante ay open
ang communication naming,” pahayag ni Annabelle.
Kapwa aminado ang mga nakapanayam
ng Abante na mas pabor sila kung nagagawa nila ang dati nilang nagagawa
ngunit kung kulang sa budget ay hindi na nila ito pagpipilitan dahil
mas importante umano na may makain.
|