| Kinuwestiyon kahapon ni administration Sen.
Joker Arroyo ang inihaing petisyon ng National Power Corporation
(Napocor) sa Energy Regulatory Commission (ERC) para sa karagdagang
singil sa kuryente.
Ayon kay Arroyo, ang inihaing petisyon ng Napocor
ay taliwas sa katuwiran ng Malacañang na kaya nila gustong
palitan ang management kamakailan ng Manila Electric Company (Meralco)
ay para mapababa ang singil ng kuryente sa bansa.
Subalit sa naging petisyon ng Napocor sa
ERC para sa karagdagang .36c sa bawat kilowatt hour ng kuryente
sa Luzon, lumalabas na wala palang katotohanan ang posisyon
ng Malacañang noon na gusto nilang ibaba ang presyo ng kuryente.
“Para lang tayong naglolokohan nito,”
wika ni Arroyo sa isang programa ng DWIZ.
Binigyang-diin ni Arroyo na kung talagang gusto
ng Pangulo na ibaba ang presyo ng kuryente, tulad ng naging
pangako ni Government Service Insurance System (GSIS) President
at General Manager Winston Garcia nang labanan niya ang pagpapatalsik
sa mga Lopez sa Meralco, bakit pa nila hahayaan ang Napocor na magsumite
ng rate increase sa ERC.
Idinagdag pa ng senador na rito rin masusubukan
kung talagang independent o sunod-sunuran lamang sa Palasyo ang
bagong talagang chairperson ng ERC na si dating Pampanga Rep. Zenaida
Ducut.
|