Aksidenteng natalisod nang pinagsanib na puwersa
ng mga pulis at inspektor ng City Treasurer’s Office ang iligal
na slaughter house sa Quezon City kahapon ng umaga.
Sa pangunguna ni QC Treasurer Victor Endriga, nabuking ang lihim
na katayan ng hayop sa ilalim mismo ng kilalang Nepa-Q Mart habang
isinasagawa ang inspeksyon sa mga hinihinalang madayang timbangan
sa lugar.
Noong una, pumalag pa ang guwardiya na buksan ang gate patungo sa
matadero subalit agad naman itong sinopla ng mga pulis, dahilan
kaya’t tumambad ang sangkaterbang kakatayin sanang mga baboy,
baka at kalabaw.
Saksi ang sumulat nito habang tinatanong ang mga matansero, dumating
ang tatlong kalalakihan na nagpakilalang kabilang sa may-ari ang
matadero at nagsabing alam na umano nina QC Market Administrator
Neil Lina at QC Councilor Franz Pumaren ang kanilang operasyon.
Sinasabing walang kaukulang Mayor’s Permit at prangkisa mula
sa Quezon City Council, kabilang na ang iba pang clearances mula
sa Health Department ang nabanggit na establisyimento.
|