Mistulang nilangaw ang tigil-pasada ng Pinag-isang
Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) makaraang hindi
ito maramdaman sa buong Kamaynilaan at ilang bahagi ng bansa.
Sa halip na lumuwag ang kalsada ay nagdulot pa ng sobrang trapik
sa Metro Manila kasabay ng pagbuhos ng ulan.
Ayon sa ulat ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation
Franchising and Regulatory Board (LTFRB), wala silang natanggap
na ulat sa mga lugar na apektado sa Kamaynilaan kaugnay ng ibinabalang
transport strike ng Piston.
Sa ginawang panayam ng Abante sa ilang driver ng pampasaherong jeep,
iginiit ng mga ito na bagama’t sang-ayon ang mga ito sa pagkondena
sa mataas na singil ng mga Local Government Units (LGUs) sa bawat
huli ng mga ito ay hindi naman umano nila maaaring isugal ang kakainin
ng kani-kanilang pamilya kung hindi sila bibiyahe.
Partikular sa hindi naapektuhang biyahe ang Caloocan, Malabon, Navotas
at Valenzuela (Camanava), Quezon City, Manila, Pasay, at iba pang
bahagi ng Metro Manila.
Maging ang Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO)
ay umamin na hindi nagtagumpay ang tigil-pasada ng Piston para paralisahin
ang biyahe ng mga pampasaherong jeep.
Samantala sa Makati, ilang bahagi lamang nito ang nakadama ng pagkaparalisa
sa biyahe matapos na lumahok ang Unified Transport Federation of
Makati, ang pinakamalaking transport group ng lungsod.
Hindi naman naging problema ng mga mananakay sa Muntinlupa, Parañaque,
Taguig at Las Piñas ang kakulangan ng pampasaherong jeep
makaraang maglaan ng libreng sakay ang mga alkalde ng nasabing lungsod.
|