EDITORIAL
Maging preparado sa banta ng panahon

Kung pakikiramdaman natin ay may mga araw na ngayong nakakaramdam tayo ng lamig ng panahon kumpara sa mga nagdaang buwan. Pati nga kalangitan ay nagiging maulap na rin bunsod anang PAGASA ng opisyal nang pagdating ng panahon ng tag-ulan mula Hulyo hanggang Setyembre sa bansa.

Kung tutuusin ay hindi natin dapat katakutan ang panahon ng tag-ulan. Ang kailangan lang nating paghandaan ay ang inaasahang pagdating daw ng apat na bagyo ngayong buwan ng Hulyo. Epekto raw ito ng intertropical convergence zone (ITCZ) at hanging habagat.

Siguro nama’y sariwa pa sa isip natin ang matinding hagupit ng mga nagdaang bagyo partikular na si ‘Milenyo.’ ‘Di nga ba’t milyong mga ari-arian, inprastraktura, kabuhayan at buhay ang siningil ng bagyong ito?

Ang senaryo sanang iyon ay magsilbing aral na sa atin para paghandaan ang panibagong apat na bantang ito sa buwan ng Hulyo.

Ngayon pa lang ay maghanda na ang gobyerno natin o pumorma ng mga readiness measures ang NDCC.

Dapat ay maging alerto na ang iba’t ibang kinauukulang ahensiya gaya ng mga senaryong pagragasa ng mga basura, baha, matinding traffic, pagkawasak ng mga kabahayan, pananim, pagbagsak ng mga billboards, poste, kawalan ng kuryente at pagpasok ng mga sakit o epidemya. Maigi ring ihanda na ang posibleng paglagakan ng mga bagong silid-aralan para sa mga evacuess sa panahon ng kalamidad.

Magkaroon na sana ng ‘calamity preparedness’ o mas mainam kung lalabas itong zero casualties.

<BACK