SAUDI ARABIA --- Isang Pinoy contract worker sa
Saudi Arabia ang nagkabali-bali ang buto sa kanyang likod matapos
tumalon sa ikatlong palapag ng isang gusali sa hangarin na makatakas
mula sa isang Arabo na magtatangkang gahasain ito, ayon sa report
na nakarating sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ang OFW ay kinilala ng DFA sa pangalang Edong, nasa ligtas na itong
kondisyon subalit nanatili sa isang pagamutan sa Saudi dahil
kailangang lagyan ng braces ang kanyang likod sanhi ng tinamong
pinsala sa likod.
Sa inisyal na ulat lumilitaw na nagpatulong ang isang Arab national
na hindi natukoy ang pangalan sa biktima upang iakyat sa kanyang
condominium unit ang ilang grocery items na binili nito.
Nagmagandang loob naman ang biktima kung kaya’t tinulungan
nito ang suspek subalit nang makarating na sa pintuan ng condominium
unit ang dalawa ay kinutuban umano si Edong sa masamang binabalak
ng Arabo.
Batid umano nito ang ilang insidente na kinasasangkutan ng mga Pinoy
na kadalasan ay nabibiktima ng panggagahasa ng mga Arabo subalit
takot na lumantad dala na rin ng kahihiyan.
|