BALANGA CITY, Bataan ---- Muli
na namang nakopo ng City Schools Division ng Department of Education
(DepEd) ang pagiging topnotcher sa National Achievement Test (NAT)
sa elementary level makaraang magtamo ng pinakamataas na puntos
ang Balanga City sa katatapos na achievement test noong Marso ng
kasalukuyang taon.
Ayon kay Dr. Lilia Santiago, City Schools Division Superintendent,
ang Balanga City ang nanguna sa buong bansa sa katatapos na NAT
sa grade 6 level na isinagawa noong Marso 6, 2008 matapos itong
makakuha ng 84.16% national rating. Pumangalawa rito ang Southern
Leyte na may 81.23% habang pangatlo naman ang Ormoc City na may
average na 80.91 percent.
Sinabi pa ni Santiago sa Abante na sa nakalipas na apat na magkakasunod
na taon ay naging consistent ang City Schools Division bilang top
sa rehiyon habang pumangatlo naman ito sa national level noong 2007
base sa ipinalabas na resulta ng National Educational Testing and
Research Center (NETRC) kung saan mula sa 77.67% ay umakyat ito
sa 84.16%.
Ikinatuwa naman ni City Mayor Jose Enrique Garcia III ang resulta
ng nasabing pagsusulit sa pagsasabing patunay lamang ito sa kanyang
hangaring makilala ang lungsod bilang “university town”
.
|