MATATAPOS
na nga ang Joaquin Bordado na bida si Robin Padilla. At ngayon pa
lang, ipinagmamalaki na ni Robin na puro malalaking eksena
ang ipakikita nila.
Ang isa sa mga malalaking eksena nga ang dahilan kung bakit muntik
na namang mamatay si Robin.
Ang eksena kasi, nakasabit si Robin sa isang helicopter habang nakikipagbakbakan
sa kanyang kalaban. At dapat ay mababa lang sana ay lipad ng helicopter,
pero bigla itong lumipad ng mataas, at nagulat si Robin, kaya muntik
na siyang humampas sa mismong katawan ng helicopter.
Katwiran daw ng piloto, natakot siya na baka sa sobrang baba ng
lipad niya ay magpaikut-ikot ang helicopter, at mas delikado raw
`yon, dahil puwedeng umikut-ikot din ang katawan ni Robin at mahulog
sa kung saan.
Nagpapasalamat nga si Robin at naging mahigpit ang kapit niya sa
helicopter, kaya hindi nauwi sa mas matinding aksidente ang lahat.
Anyway, sabi nga ni Binoe, kaya siya pumapayag na gawin ang
mga nakakalula at nakakatakot na stunts sa show ay dahil sa pagmamahal
niya sa kanyang trabaho.
Dahil nga isa siyang artista, trabaho raw niya na gawin ang nararapat
dahil ayaw niyang mandaya ng mga nanonood ng kanyang show.
“Na-extend ang Joaquin ng 2 weeks kaya napag-isipan pa namin
na lagyan pa ng mga matitinding eksena.
“Nagpapasalamat ako sa GMA-7 dahil hindi sila nagkulang sa
suporta.
Lahat ng hilingin namin sa ikagaganda ng show
ay binigay nila,” sabi ni Robin.
Sabi pa ni Binoe, dahil sa kawalan ng action movies, kaya sa
Joaquin niya binuhos ang kanyang pagiging action star.
“Dito na lang sa show nila ako ulit nakikitang nag-action.
Ang tagal na walang action movies na napapanood ang mga sumusuporta
sa atin. Kahit na hindi naman kalakihan ang mga action scenes na
napapanood nila sa show, tama na rin iyon kasi may budget pa rin
ang GMA-7. Hindi naman sila puwedeng all out parati. Pero okey na
iyong kaya nila. Natutuwa na ang marami sa mga napapanood nila sa
amin.”
Isa nga raw sa matinding action scene na ginawa ni Binoe sa Joaquin
Bordado ay ang naglambitin sila ni Ian Veneracion sa dalawang helicopters.
Lumabas sa TV na mga dragon ang mga sinasabitan nila.
‘‘Tulad nga noong paglambitin namin sa dagat ni
Ian mula sa helicopter, delikado kasi baka nga may mangyari sa amin
ni Ian. Mabuti na lang at magaling ‘yung mga piloto na nagpalipad
ng helicopter. Naging maayos naman ang eksena naming lahat.”
Sinasabi ngang si Binoe na ang highest-paid na male actor ng GMA-7.
‘‘Hindi naman po totoo ’yan,” sabay ngiti
ni Binoe. ‘‘Marami lang po akong trabaho kaya akala
nila marami akong bayad. Hindi lang kasi ako aktor kundi nagdidirek
din po ako ng ibang action scenes at tinututukan ko ang editing.
“Kung ano ang ibayad nila sa akin, maraming salamat.
Basta tayo pinapakita natin na worth it ang binabayad ng GMA-7 sa
atin. Kumbaga sulit lahat.”
After Joaquin Bordado, baka magpelikula muna si Robin at isang suspense
thriller movie ang gagawin niya for GMA Films titled Sundo
kunsaan makakasama niya sina Sunshine Dizon at Rhian Ramos.
|