www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

DAVAO DAY
Si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo habang nagbibigay ng mensahe kahapon sa ika-41 Foundation Day ng Davao del Sur sa Digos City.

‘WAG MANGURAKOT!--PACQUIAO
Ni VIRGI T. ROMANO

 

“Hindi masama ang maging pulitiko, pero dapat ‘di mangurakot.”


Ito ang seryo-song pahayag kahapon ni newly-crowned WBC lightweight champion Manny Pacquiao.


Sa eksklusibong panayam sa telepono ng may-akda, sinabi ng pinakabagong ‘boxing legend’ na hindi pa niya iiwan ang boksing dahil napakarami pa niyang plano at nais niyang maabot ang lahat ng ito.


Pero, hindi pa rin tinatalikuran ng bagong kampeon ang isa pa nitong pangarap -- ang maging pulitiko.


Para kay Pacquiao, ang tanging nakikita niyang dahilan ng kanyang pagkatalo noong 2005 elections ay “wrong timing”.


“’Di pa panahon na tumakbo ako (noon), kaya ako natalo,” sambit ng Philippine pride na nakabenda pa rin ang kanang kamay habang kausap kahapon dahil sa pamamaga.


Ayon kay Pacquiao, mas naniniwala siyang gusto ng Panginoon na maabot muna niya ang pangarap sa boksing, bago niya pasukin ang iba pang larangan, tulad ng pulitika.


Si Pacquiao ay natalo kay Rep. Darlene Antonino-Custodio sa naturang eleksyon.


“Sa paniwala ko, gusto ni Lord na mapalapit pa ako nang husto sa Kanya, kaya ako nagtagumpay sa boksing, ayaw Niyang bumitiw ako sa Kanya hanggang sa iba ko pang pangarap,” litanya ni Pacquiao mula sa kanyang The Palazzo apartment sa Los Angeles, California.


Ang 29-anyos na Pambansang Kamao ay kagagaling lamang mula sa klasikong 9th round knockout win kontra kay David Diaz noong Linggo sa Mandalay Bay Resort & Casino sa Las Vegas.


Ayon sa world champion, darating din ang tamang panahon para makapaglingkod siya sa kanyang mga kababayan.


“Hindi naman masama ang maging pulitiko,” aniya. “Gusto ko makatulong.”


Pero, binigyang-diin ni Pacquiao, na hindi dapat mangurakot ang pulitiko.


“Hindi masama ang maging pulitiko, pero dapat ‘di mangurakot,” anang ‘alamat’. Gayunpaman, hindi na nito pinalawig pa ang naturang paksa.


Nakatakdang bumalik sa bansa si Pacquiao sa Biyernes (Hulyo 4), pero hindi pa raw alam ng boksingero ang mga aktibidad na kanyang gagawin o inilaan sa kanyang pagbabalik.


Hinggil sa susunod niyang pag-akyat sa ring, ayon sa boksingero, sa ngayon ay puro plano at negosasyon pa lamang at bahala na aniya ang promoter na si Bob Arum sa bagay na iyon.


“Ako? Magpahinga muna, total November pa naman ang sunod kong laban at hindi pa final ‘yun, kaya gusto ko muna mag-enjoy,” pagtatapos ng kampeon.


Samantala, habang naghihinay-hinay si Pacquiao sa pagpasok sa pulitika, tila hindi naman mag-aaksaya ng panahon ang pamahalaang Arroyo para isabak siya sa 2010 elections.


Anang isang mapagkakatiwalaang palace insider na miyembro ng partidong Lakas-Kampi, ikinukonsidera na ngayon pa lamang si Pacquiao bilang isa sa senatorial candidate ng administrasyon sa halalang idaraos dalawang taon mula ngayon.


Gayunpaman, hindi pa rin naman umano ito pinal at iniisa-isa pa lamang ang pagsala sa posibleng kandidato. Oras umanong makumpleto na ang line-up ay saka pa lamang pormal na kakausapin at hihimukin ang Pambansang Kamao para tumakbo sa senatorial race. (With Rose Miranda)

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section