|
Sampung turistang banyaga at tatlong bangkerong Pinoy ang nasagip matapos tumaob ang kanilang sinasakyang bangka habang pabalik sa isla ng Boracay mula sa isang araw na paglilibot sa mga isla sa karagatang sakop ng Sitio Ilig-Iligan, Barangay Yapak, Malay, Aklan kamakalawa.
Ayon kay Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), ang 10 banyaga ay kinabibilangan ng 7 British, 2 Chinese at 1 Australian.
Nangyari ang pagtaob ng kanilang bangka (“Captain K”) dakong alas-2:15 ng hapon, mga 700 meters mula sa aplaya.
“Pabalik na sila sa isla ng Boracay nang biglang lumakas ang hangin kasabay ng paglaki ng alon at hindi na nakayanan nu’ng bangka nila,” ani Cruz, batay sa report na ibinigay sa kanya ng Boracay Special Tourist Police Office.
“‘Yung ating BSTPO kasama ang Philippine Coast Guard ang sumugod sa pinaglubugan at sinagip ‘yung 13-katao,” ani Cruz.
Nagtamo ang mga biktima ng mga gasgas sa katawan at dinala sa Don Ciriaco Tirol Memorial Hospital sa Boracay para malapatan ng lunas.
|